Nakatakdang magkaroon ng malaking balasahan sa legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) matapos pormal na humiling ng “withdrawal” ang kanyang British-Israeli lead lawyer na si Nicholas Kaufman.
Sa isang panayam, ibinunyag ni Kaufman na ang pagpili at rekomendasyon para sa bagong chief defense lawyer ay ipinasa na sa mga kamay ng common-law partner ni Duterte na si Honeylet Avanceña at anak nitong si Veronica “Kitty” Duterte.
Sila na umano ang may responsibilidad sa mga usaping pinansyal at pagpili ng abogado para sa pagpapatuloy ng kaso sa The Hague. Ang hindi pa pinangalanang bagong abogado, na ayon kay Kaufman ay isang dayuhan at kakilala niya, ay nakatakdang makipagpulong sa dating pangulo ngayong Sabado.
Ipinaliwanag ni Kaufman na ang kanyang kontrata ay nakatakda lamang para sa pre-trial stage o hanggang Marso 31. Nanungkulan siya bilang lead lawyer ni Duterte ilang araw matapos ang pag-aresto at pagsuko ng dating pangulo sa ICC noong nakaraang taon.
Matatandaang si Duterte ay nahaharap sa tatlong bilang ng murder as a crime against humanity bunsod ng madugong kampanya laban sa ilegal na droga sa bansa.
Nagpahayag naman ng sorpresa ang grupo ng mga Pilipinong abogado ni Duterte, sa pamumuno ni dating Labor Secretary Silvestre Bello III, hinggil sa nasabing “restructuring.”
Ayon kay Bello, hindi nila direktang narinig mula kay Duterte o sa kanyang mga anak ang planong pagpapalit ng abogado. Nakatakdang magpulong ang Filipino legal team—kabilang sina dating Executive Secretary Salvador Medialdea at Salvador Panelo—upang talakayin ang kanilang magiging mungkahi sa dating lider.
Bagama’t pinuri ni Bello ang husay ni Kaufman sa pagtatanggol kay Duterte, muli nitong pinuna ang ICC. “Napahanga ako sa kanyang presentasyon… pero kahit gaano kagaling ang depensa, tila may ‘prejudgment’ na ang ICC sa kaso,” ani Bello.
