Habang ipinagdiriwang ng pamahalaan ang mga proyektong pang-imprastraktura at mga “pogi points” sa pandaigdigang komunidad, isang madilim na katotohanan ang dahan-dahang sumasakal sa ekonomiya ng Pilipinas: ang record-breaking na P18.9-trillion na utang ng bansa.
Hindi biro ang numerong ito. Sa bawat pagpikit ng ating mga mata, tila lalong lumalalim ang balon ng ating pagkakautang. At ang masakit, hindi lang basta pangungutang ang dahilan.
Ayon mismo sa Bureau of the Treasury (BTr), malaking bahagi ng pag-lobo nito ay bunsod ng nanghihinang piso laban sa dolyar. Sa madaling salita, kahit hindi tayo humiram ng bago, kusang lumalaki ang ating babayaran dahil lang sa pagdausdos ng halaga ng ating salapi.
Nitong nakaraang Marso, nakita natin ang paghina ng piso ng mahigit P3 laban sa greenback. Ang epekto? Nagdagdag ito ng bilyon-bilyong piso sa ating foreign obligations na wala naman sana sa plano. Para tayong naglalakad sa treadmill—pagod na sa pagbabayad, pero hindi pa rin makaalis sa pwesto dahil sa bilis ng taas ng interes at palitan ng dayuhang pera.
Dapat din nating ikabahala ang pagbaba ng ating Gross International Reserves (GIR) na nasa $104.13 billion na lamang nitong Abril.
Bagama’t sinasabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na “robust” o matatag pa rin ang ating buffer, hindi maitatago ang katotohanan na ito ang ikalawang sunod na buwan ng pagbaba. Ang tanong: hanggang kailan sapat ang ating reserba kung patuloy ang pag-atake ng global currency volatility?
Ang domestic debt na umabot na sa P12.53 trillion ay isa pang senyales na tila naging “lifestyle” na ng gobyerno ang umasa sa mga local market para punan ang budget deficit. Pero hanggang kailan natin kakayanin ito?
Ang utang ay hindi masama kung ito ay nagagamit sa mga proyektong nagbubunga ng tunay na trabaho at pangmatagalang kaunlaran.
Ngunit kung ang bawat sentimong inuutang natin ay napupunta lamang sa pagbabayad ng interes ng lumang utang, para na nating ibinibenta ang kinabukasan ng susunod na henerasyon ng mga Pilipino.
Panahon na para magising ang ating mga economic managers. Hindi sapat ang pagsasabing “manageable” pa ang ating utang. Ang kailangan ng taong bayan ay konkretong plano kung paano palalakasin ang piso, paano palalaguin ang lokal na industriya nang hindi laging nakadepende sa hiram na puhunan, at paano sisiguraduhin na ang bawat pisong inuutang ay hindi napupunta sa bulsa ng iilan kundi sa bituka ng marami.
Ang P18.9 trilyon ay hindi lamang numero sa papel; ito ay pabigat na pasan ng bawat Pilipino—mula sa magsasaka sa bukid hanggang sa mga sanggol na kakapanganak pa lamang. Huwag nating hayaan na ang “ginhawa” na ipinapangako ng gobyerno ngayon ay maging permanenteng tanikala para sa ating bukas.
