Kung ang mga political survey ang gagawing batayan, tila nakalimbag na sa tadhana ang pagkapanalo ni Bise Presidente Sara Duterte sa presidential derby sa 2028.
Sa nakuhang 43 porsyento sa Pulse Asia survey, malinaw na ang kanyang “Tapang at Malasakit” ay malalim pa ring nakaugat sa sikolohiya ng mga botante. Ngunit sa likod ng dambuhalang numerong ito, may isang katotohanang hindi dapat balewalain ng mga nasa oposisyon at ibang contenders: ang pagkakaisa ang tanging susi upang mabago ang takbo ng kasaysayan.
Hindi maikakaila ang bagsik ni VP Sara sa Mindanao (88%) at Visayas (60%). Ito ang kanyang kuta na tila hindi matitibag ng kahit sinong kandidatong mula sa Luzon. Gayunpaman, ang kanyang kahinaan sa Balance Luzon (16%) ay isang pinto ng pagkakataon para sa ibang kampo.
Dito pumapasok ang lohika ng numero nina dating VP Leni Robredo at Sen. Raffy Tulfo. Kung pagsasamahin ang kanilang voter preference, aabot ito sa 50 porsyento—pitong puntos na mas mataas kaysa sa nakuha ni Duterte. Ngunit dahil nahahati ang boto ng Luzon sa pagitan nila, ang tila malakas na pwersa ay nagiging buraot at watak-watak. Hangga’t nananatili silang magkahiwalay na opsyon, pinapanatili nilang bukas ang karpet para sa muling pagbabalik ng isang Duterte sa Malacañang.
Kawili-wili rin ang dibisyon sa socio-economic classes. Nanatiling “Pauper’s Choice” o paborito ng masa (Class D at E) si VP Sara, habang si Robredo naman ang pambato ng Class ABC o ang mga tinaguriang “intelligent voters.”
Ang hamon para kay Robredo at Tulfo ay kung paano tatawirin ang agwat na ito. Hindi sapat na makuha ang suporta ng mga edukado at mayayaman kung ang bulto ng boto ay nasa Class D at E. Sa kabilang banda, ang pag-asa ni Duterte ay nakasalalay sa pagpapanatili ng kanyang imahe bilang tagapagtanggol ng mahihirap, sa kabila ng mga kinakaharap na reklamong impeachment at sigalot sa administrasyon.
Ang kasaysayan ng halalan sa Pilipinas ay madalas nauuwi sa “divide and conquer.” Kung magpapatuloy ang ganitong trend na may anim na magkakaibang pangalan sa balota, madaling makakalusot ang sinumang may solidong balwarte—at sa puntong ito, si VP Sara iyon.
Kung tunay na nagnanais ang ibang mga kampo—sina Robredo, Tulfo, Aquino, at Hontiveros—na magkaroon ng bagong direksyon ang bansa na malayo sa tatak-Duterte, kailangan nilang isantabi ang kani-kanilang mga ego at personal na ambisyon. Ang pagbuo ng isang singular bet o isang matibay na koalisyon ay hindi lamang taktika; ito ay isang pangangailangan.
Sa huli, ang 2028 ay hindi lamang labanan ng mga pangalan kundi labanan ng mga rehiyon at antas ng pamumuhay. Ang 43 porsyento ni Sara Duterte ay isang higante, ngunit ang 50 porsyento nina Robredo at Tulfo ay isang “sleeping giant.” Gigising lamang ang higanteng ito kung matututo ang mga lider na magkaisa. Kung hindi, mananatili tayong saksi sa isang pelikulang alam na natin ang katapusan: isang tagumpay na bunga ng pagkakahati-hati ng bayan.
