Tuluyan nang uminit ang usapin ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte matapos kumpirmahin na nasa 215 mambabatas na ang nakahandang bumoto pabor sa reklamo ngayong darating na Lunes.
Sa ginanap na The Agenda forum sa Quezon City, ipinahayag ni Bicol Saro Representative Terry Ridon na ang kasalukuyang bilang ng mga mambabatas na sumusuporta sa impeachment ay higit pa sa dobleng kailangang boto na 106.
Dahil dito, inaasahang awtomatikong itutuloy ang kaso sa Senado para sa isang ganap na paglilitis o trial.
Inilarawan ni Ridon ang nalalapit na botohan bilang isang “history maker.”
Ayon sa mambabatas, ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas na ang isang impeachable official ay i-iimpeach ng dalawang magkaibang Kongreso—ang nakalipas na 19th Congress at ang kasalukuyang 20th Congress.
“She was impeached by the 19th Congress and she will be impeached by the 20th Congress on Monday,” ani Ridon, na nagbibigay-diin sa bigat ng magiging desisyon ng Kamara.
Mariing itinanggi ni Ridon na ang lumalakas na suporta sa impeachment ay bahagi lamang ng pulitika o pagtatangkang harangin ang posibleng pagtakbo ni Duterte sa pagkapangulo sa 2028.
Sa halip, binigyang-diin niya na ang mataas na bilang ng mga mambabatas na pabor sa impeachment ay base sa mga ebidensyang nakalap ng House Committee on Justice.
“Ang pag-impeach kay VP Sara ay hindi dahil sa pagiging frontrunner niya sa 2028 National Elections. Ito raw ay dahil wala namang impeachment kung walang anomalya na ginawa ang bise,” paliwanag ni Ridon base sa mga nakatalang ebidensya sa committee report.
Ang mga ebidensyang ito ay may kaugnayan sa mga alegasyon ng anomalya sa loob ng Office of the Vice President (OVP).
Inaasahang tutukan ng buong bansa ang magiging kaganapan sa Batasang Pambansa ngayong Lunes, na magsisilbing hudyat kung tuluyan na bang haharap sa Senate trial ang Pangalawang Pangulo.
