Opisyal nang binuksan ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang programang “Summer IsCool sa Marikina” ngayong Biyernes, Mayo 8.
Kaalinsabay nito, inanunsyo rin ni Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro na bukas pa ang pagpapatala para sa mga libreng arts classes para sa mga interesadong residente ng lungsod.
Ayon kay Mayor Maan, layunin ng inisyatibong ito na gawing mas makabuluhan at masaya ang bakasyon ng mga kabataan sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad na kapupulutan ng aral at bagong kaalaman.
Sinabi niya na nais ng pamahalaang lungsod na maging memorable ang bakasyon ng mga bata habang nade-develop ang kanilang mga skills kasama ang kanilang mga kaibigan.
Sa ilalim ng arts classes, maaaring mag-enroll ang mga kalahok sa folk dance, contemporary at jazz dance, hip-hop, performing arts, visual arts gaya ng watercolor at pastel, photography, at ang Marikina photowalk activity.
Bukod sa sining, nag-aalok din ang programa ng mga klase sa musika, sports, at skills development para sa mga bata at kabataan.
Hindi rin nagpahuli ang mga adult dahil mayroon ding inilaang mga klase para sa kanila gaya ng basic makeup at beauty care, soap making, stress reduction techniques at basic yoga, flower arrangement, at dish garden making workshops. Layon nito na hikayatin ang lahat ng sektor na tumuklas ng bagong talento at magkaroon ng disiplina at kumpiyansa sa sarili.
Para sa mga interesadong lumahok, maaari pang magparehistro sa pamamagitan ng online registration link na ibinigay ng Marikina LGU: https://docs.google.com/forms/d/e/1FAIpQLSdCdMAg9GWocEvPkGK38QYm48bE2arRbdMCNH_1884Xq9_otg/closedform
Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsuporta ng lungsod sa paglago ng sining at kakayahan ng bawat Marikenyo ngayong panahon ng tag-init.
