REHAS na bakal ang kinasadlakan ng 53-anyos na construction worker matapos inguso ng concerned citizen hinggil sa ginagawang pag-iingat ng hindi lisensiyadong armas sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni Malabon Police Chief P/Col. Allan Umipig kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, isang concerned citizen ang nag-ulat sa kanila hinggil sa pag-iingat umano ni alyas “Tony” ng hindi lisensyadong baril kaya nag-apply sila ng search warrant sa korte.
Sa bisa ng inilabas na search warrant ng Regional Trial Court (RTC) ng Malabon City, pinasok ng mga tauhan ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 6 ang bahay ng suspek sa Barangay Ibaba, sa naturang lungsod.
Matapos ang ginawang paghalughog, nasamam ng mga pulis sa loob ng bahay ng suspek ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong bala at nang wala siyang naipakitang kaukulang dokumento hinggil sa ligaledad nito ay dinakip siya.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Malabon Police Station ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Malabon City Prosecutor’s Office.
