PATAY ang isang Indian national matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga suspek na magka-angkas sa motorsiklo sa Caloocan City, Biyernes ng umaga.
Kagada nalagutan ng hininga sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang 40-anyos na biktima na residente ng Northwind Subdivision, Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City.
Sa inisyal na ulat ng tanggapan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth, sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima at tinatahak ang Kabatuhan Road sa Bagombong, North Caloocan bandang alas-9 ng umaga, nang tumigil sa gilid ng kalsada sa hindi pa batid na dahilan.
Kasunod nito, bilang sumulpot ang mga suspek na magkaangkas sa walang plakang motorsiklo at bumunot ng baril ang backride na nakasuot ng asul na long sleeve at short saka pinagbabaril ang biktima bago tumakas patungong Deparo Road.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa insidente habang nakuha sa lugar na kinaganapan ng krimen ang limang basyo ng bala, tatlong depormadong bala, at isang bala ng kalibre .45 na isusumite sa Northern Police District Forensic Unit (NPD-FU) para sa ballistic examination.
Nagsasagawa na rin ng backward at forward tracking operation sa mga kuha ng CCTV sa lugar ang pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
