ARESTADO ang limang hinihinalang miyembro ng robbery-holdup gang, kabilang ang isang dating pulis at traffic enforcer nang tangkain nilang looban ang isang condominium unit sa Caloocan City, Biyernes ng tanghali.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “John Rey”, dating pulis na may ranggong Staff Sergeant ng NCRPO na nasibak sa tungkulin, alyas “Jhon Paul”, traffic enforcer, alyas ”Romie”, driver ng sasakyan, alyas “Aldrin”, at alyas “Jenny” hair dresser.
Pinangunahan ng mga operatiba ng Highway Patrol Group (HPG), kasama ang mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO), Batangas Provincial Police Office, at Northern Police District (NPD) ang pagresponde sa natanggap na impormasyon hinggil sa gagawing panghoholdap ng mga suspek sa Habito Residence sa A. Mabini St. Maypajo alas-12:20 ng tanghali.
Ayon sa PNP-HPG, matagal na nilang sinusubaybayan ang nasabing grupo na sangkot din umano sa rent tangay modus kaya kaagad nilang nasabat ang itim na Toyota Innova na gamit ng mga suspek na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.
Tinangka pa umanong bumunot ng baril ng dating pulis na dahilan para paputukan siya ng isa sa operating team sa kanang binti bago isinugod sa pinakamalapit na pagamutan kung saan siya inoobserbahan.
Nakuha ng pulisya sa mga suspek ang dalawang baril, na may mga bala at dalawang cellular phone habang nakuha pa sa loob ng kanilang sasakyan ang dalawang plastic sachets ng hinihinalang shabu, isang baril at granada.
