Sa gitna ng mga espekulasyon para sa 2028 National Elections, pinalagan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang mga usap-usapan tungkol sa kanyang posibleng pagtakbo sa mas mataas na posisyon.
Sa ginanap na Kapihan ng Samahang Plaridel ngayong Biyernes, Mayo 8, inamin ng kalihim na nakararamdam na siya ng matinding pagod sa kanyang kasalukuyang tungkulin at mas nais na lamang bumalik sa kanyang balwarte sa Cavite.
Ayon kay Remulla, bagama’t marami siyang naisakatuparang reporma sa Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP), hindi biro ang bigat ng responsibilidad sa DILG.
“This job is exhausting. Akala niyo maporma, mayabang, o mabangis… pero nakakapagod ang trabaho na ‘to. Wala kang kausap na normal araw-araw. Araw-araw kausap mo leader, pulitiko, pulis, BJMP… it’s wearing me out,” pag-amin ng kalihim.
Nang tanungin kung tuluyan na niyang isinasara ang pinto para sa presidential race sa 2028—lalo na’t lumulutang ang kanyang pangalan sa mga survey matapos tumanggi ang magkapatid na Tulfo—sinabi ni Remulla na sa ngayon ay nakatuon ang kanyang puso sa pagbabalik-probinsya.
“As of now, my heart is set on going back to Cavite,” ani Remulla. “I miss home.”
Gayunman, hindi rin niya tuluyang winakasan ang posibilidad ng pagbabago sa kanyang plano sa hinaharap, dahil aniya ay “fluid” o mabilis pa ring magbago ang sitwasyon sa pulitika.
Sa kabila ng kanyang pagod, tiniyak ni Remulla na hindi niya pababayaan ang kanyang mandato hangga’t siya ang nasa pwesto. Binigyang-diin niya na mas mahalaga sa kanya ang iwanang legacy ng mga reporma, gaya ng paglilinis sa BFP at ang pagpapababa ng crime rate sa bansa, kaysa sa anumang ambisyon sa pulitika.
“I will never be defeated by a job. Gagawin ko ang trabaho ko lagi,” pagtatapos ni Remulla.
Si Remulla ay nagsilbi bilang Gobernador ng Cavite sa loob ng apat na termino bago itinalaga sa Gabinete, kung saan nakilala siya sa pagsusulong ng mga pro-business policies at modernisasyon sa kanilang lalawigan.
