Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) na magbukas ng pautang o loan upang matulungan ang kanilang mga miyembro na makabili ng electric vehicle (EV) sa gitna ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa kanya, ang hakbang na ito ay makakatulong nang malaki upang mapabilis ang paglipat ng bansa sa paggamit ng mga EV at mabawasan ang pagdepende ng Pilipinas sa inaangkat na langis.
“Marami ang nagnanais na bumili ng EV, ngunit nahahadlangan ng mataas nitong presyo. Kung mayroong mga loan facility para sa pagbili ng EV, mas matutulungan ang ating mga kababayan na hirap na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel,” ani Gatchalian.
Isinusulong ng senador ang mas mabilis na transisyon patungo sa mga EV dahil sa pabago-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Binigyang-diin niya na ang matitipid sa gasolina o diesel ay maaaring gamiting pambayad sa buwanang hulog ng loan para sa sasakyan.
Dagdag pa niya, ang mas malawak na pagpapatayo ng mga kinakailangang imprastraktura, gaya ng mga charging station, ay maghihikayat sa mga mamimili na lumipat sa EV. Sinabi rin niya na dapat pabilisin ng pamahalaan ang paglilipat ng mga public utility vehicles (PUVs) sa mga EV sa pamamagitan ng PUV modernization program.
Makakatulong ito upang maprotektahan ang mga driver at operator ng PUV mula sa madalas na pagbabago sa presyo ng petrolyo.
