Inihayag ni Senador Robinhood Padilla na nakahanda ang minority bloc ng Senado na harangin ang pagtatatag ng kapulungan bilang isang impeachment court sakaling iakyat na ang mga articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Padilla, bahagi ng kanilang natural na papel sa minorya ang kumontra sa naturang proseso, lalo na’t tungkulin umano nila ang magsilbing boses ng oposisyon sa loob ng Senado.
Ang grupong tinutukoy ni Padilla ay kinabibilangan nina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano at mga Senador na sina Ronald dela Rosa, Francis Escudero, Jinggoy Estrada, Bong Go, Imee Marcos, Rodante Marcoleta, at Joel Villanueva.
Bagama’t tiwala si Senador Marcos na makakarating sa kanilang kapulungan ang impeachment, nilinaw niya na wala pa silang pormal na napagkakasunduan bilang isang bloc na awtomatikong tutulan ang pagbuo ng korte, at sinabing opinyon pa lamang ito ni Padilla na kilalang vocal laban sa impeachment.
Maging si Senador Jinggoy Estrada ay mabilis na itinanggi ang pahayag ni Padilla at iginiit na walang ganoong usapan sa kanilang hanay.
Binigyang-diin ni Estrada na susundin nila ang lahat ng alituntunin at legal na proseso dahil marami umanong abogado sa kanilang grupo at maninindigan sila sa kung ano ang itinatadhana ng batas.
Sa kabila ng mga pahayag na ito mula sa minorya, nananatiling matatag ang posisyon ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na handa ang Senado sa anumang kaganapan.
Ayon kay Sotto, bahagi ng kanilang sinumpaang tungkulin bilang mga senador ang sumunod sa Konstitusyon, at kasama rito ang obligasyong mag-convene bilang isang impeachment court sa oras na matanggap nila ang pormal na transmisyon mula sa Kamara. (IZA ALDANA)
