Photo: Bam Aquino/FB
UMABOT sa kabuuang 2,396 students mula sa University of Caloocan City (UCC) ang nakapagtapos ng kanilang pag-aaral sa kolehiyo nang libre habang nagsagawa ang premiere city institution ng kanilang 52nd Commencement Exercises noong Abril 27, sa SM Mall of Asia Arena.
Ang seremonya ay dinaluhan ng iba’t ibang opisyal ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan kasama si Senator Paolo Benigno “Bam” Aquino IV bilang panauhing pandangal.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Sen. Aquino kung paano nagbibigay ang Lungsod ng Caloocan ng libreng matrikula sa kolehiyo sa UCC para sa mga residente sa ilalim ng City Ordinance No. 0553, Series of 2014, bago pa ang anumang katulad na batas ay iminungkahi sa pambansang antas.
Samantala, may kabuuang 372 mag-aaral na nakakuha ng Latin Honors at iba pang special awards ang nakatanggap ng regular na cash incentives na ibinigay ng pamahalaang lungsod sa isang hiwalay na seremonya ng pagkilala, kabilang ang Php 10,000 para sa Magna Cum Laudes at Php 5,000 para sa Cum Laudes.
Binati ni Mayor Along ang halos 3,000 Batch 2026 graduates ng UCC, kabilang ang mga nasa graduate school, sa kanilang pagpupursige at tiniyak na magpapatuloy ang suportang kanilang natanggap mula sa pamahalaang lungsod kahit na lampas na sa kanilang pagtatapos.
“Binabati ko po ang mga estudyante mula sa UCC na nagsipagtapos ng kanilang pag-aaral, kasama pa ang kanilang mga magulang at guro na sumubaybay at sumuporta sa kanila mula sa simula ng kanilang pag-aaral,” ani Mayor Along.
“My dear graduates, asahan ninyo na sa kahit anong propesyon man kayo mapunta at kahit ano pa ang maging career decision ninyo sa hinaharap, patuloy kayong susuportahan ng pamahalaang lungsod na tuparin ang inyong mga pangarap,” dagdag niya.
