Nakalabas na ng detention center sa Muntinlupa nitong Lunes ng gabi ang dating TV host na si Jay Sonza matapos makapagpiyansa. Lampas alas-siyete ng gabi nang maibigay ang release order mula sa Pasay Regional Trial Court (RTC) Branch 118, ayon sa kaniyang abogado na si Atty. Mark Tolentino.
Inamin ng korte na nagkaroon ng pagkakamali sa arrest warrant kung saan nailagay na “non-bailable” ang kaso ni Sonza dahil sa maling pagbanggit sa batas tungkol sa armas (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Ang tunay na mga kasong kinakaharap niya ay unlawful use of means of publication at unlawful utterances.
Ipinaliwanag ng korte na ang maling impormasyon ay nagmula sa e-warrant system ng PNP.
“Minadali din po ng NBI na mabigay kaagad ‘yung return of warrant of arrest para ‘yung court can clarify kung ano talaga ‘yung nature nung warrant,” ayon kay NBI Director Melvin Matibag.
Agad naman itong naituwid ng korte noong Sabado upang payagang makapagpiyansa ang brodkaster.
Hindi natuloy ang arraignment ni Sonza matapos maghain ang kaniyang kampo ng motion to quash upang ibasura ang kaso.
Ang reklamo ay kaugnay ng umano’y pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Iginiit ni Atty. Tolentino na walang jurisdiction o kapangyarihan ang Pasay RTC sa kaso dahil sa Maynila naninirahan ang Pangulo.
“Sabi ng batas, kung saan nangyari ang alleged na krimen, doon dapat i-file ang kaso. So saan ba nasaktan ang damdamin ng ating Presidente… Nandito ba sa Pasay? Hindi. Kung may nasaktan siya… allegedly nasaktan siya doon sa Maynila, hindi dito,” ani Tolentino.
Idinagdag pa ng abogado na hindi NBI ang dapat nagsampa ng kaso kundi ang Pangulo mismo bilang “aggrieved party.”
Bilang depensa, sinabi ni NBI Director Matibag na nasa korte na ang desisyon tungkol sa isyu. Paliwanag niya,
“Kami po yung nag-case build-up, kami po yung nag-file sa DOJ at ang opisina ng NBI ay nasa Pasay.”
Binigyan ng korte ang Department of Justice (DOJ) ng 10 araw upang magsumite ng komento hinggil sa inihain na motion to quash ng kampo ni Sonza. (AR BERNARDO)
