Photo Marikina LGU
Kasabay ng pagdiriwang ng ika-124 na Labor Day nitong Mayo 1, hinimok ni Marikina City Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro ang mga kabataang naghahanap ng trabaho na huwag talikuran ang kanilang pag-aaral sa kabila ng pagkakaroon ng hanapbuhay.
Sa ginanap na Labor Day Job Fair sa SM Marikina, napansin ng alkalde na marami sa mga “hired-on-the-spot” (HOTS) ay mga nagtapos ng Senior High School (SHS), kabilang na ang kauna-unahang aplikante na natanggap sa trabaho na nagmula sa Jesus Dela Peña National High School.
“Sa ating mga hired-on-the-spot, congratulations. Halos nakausap ko ang marami sa inyo. Marami sa kanila ay Senior High School graduates. At ang lagi kong sinasabi, mag-kolehiyo kayo! Hindi dapat natatapos ang inyong pagkatuto ‘pag nagka-work na kayo,” pahayag ni Mayor Maan.
Bilang isang dating guro, binigyang-diin ni Mayor Maan ang kahalagahan ng patuloy na pagkatuto upang mapalawak ang kaalaman at mapahusay ang mga kasanayan ng kabataan, na magsisilbing susi sa mas magandang oportunidad sa hinaharap.
Pinaalalahanan din niya ang mga taga-Marikina na bukas ang Pamantasan ng Lungsod ng Marikina (PLMAR) para sa mga nagnanais makakuha ng libreng edukasyon sa kolehiyo habang nagtatrabaho.
Ang naturang job fair ay isinakatuparan sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Marikina, Department of Labor and Employment (DOLE), at SM Supermalls. Mayroong 45 partner mula sa publiko at pribadong sektor ang lumahok, kasama ang isang one-stop shop para sa mga serbisyo ng gobyerno.
Nagpasalamat naman ang DOLE sa pamahalaang lungsod sa pamumuno ni Mayor Maan at Marikina First District Rep. Marcy Teodoro para sa pagbibigay ng venue na naglalapit sa mga aplikante at mga kumpanya.
“Malaking bagay ito para sa Marikina, dahil ito ay isa sa mga paraan para mabigyan natin ng magandang kinabukasan at pag-asa ang mga taga-Marikina,” dagdag pa ng alkalde.
Ang job fair sa Marikina ay isa lamang sa 18 sites sa National Capital Region (NCR) para sa pagdiriwang ng Labor Day ngayong taon na may temang “Disenteng Trabaho Para sa Lahat: Iisang Hangarin Bagong Pilipinas Sama-Samang Mararating.” Inaasahang mahigit 1,000 aplikante ang lalahok sa nasabing aktibidad.
