Ibinasura ng Korte Suprema (SC) En Banc ang petisyong inihain ni Cezarah Rowena C. Discaya, may-ari ng St. Timothy Construction Corporation (STCC), na kumukwestyon sa desisyon ng Office of the Ombudsman na kasuhan siya ng korapsyon at malversation.
Sa desisyong inilabas nitong April 10, 2026, idineklara ng Mataas na Hukuman na wala nang saysay o “moot” ang petition for certiorari ni Discaya.
Ito ay dahil pormal na nang nakapaghain ang Ombudsman ng mga impormasyon o kaso sa Regional Trial Court, na nagresulta na rin sa paglalabas ng warrant of arrest laban sa kanya.
Nagsimula ang usapin sa reklamo ni DPWH Secretary Vivencio B. Dizon laban kay Discaya at sa ilang opisyal ng DPWH Davao Occidental District Engineering Office.
May kaugnayan ito sa konstruksyon ng isang concrete revetment sa Culaman, Jose Abad Santos, Davao Occidental na ipinagawa sa kumpanya ni Discaya.
Ayon kay Secretary Dizon, niloko ang gobyerno matapos matanggap ng STCC ang buong bayad na nagkakahalaga ng P96.5 milyon sa kabila ng hindi pa tapos na proyekto.
Dahil dito, kinasuhan si Discaya ng paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at malversation through falsification of public documents.
Binigyang-diin ng Korte Suprema na ang pagtukoy ng probable cause sa panahon ng preliminary investigation ay eksklusibong tungkulin ng pampublikong tagausig o prosecutor.
Bilang pangkalahatang tuntunin, hindi nakikialam ang mga korte sa desisyong ito ng Ombudsman.
Dagdag pa ng SC, suportado ng sapat na ebidensya o substantial evidence ang naging pasya ng Ombudsman.
Bagaman may mga pagkakataong maaaring makialam ang korte para protektahan ang karapatang konstitusyonal, nabigo si Discaya na patunayan na pasok ang kanyang kaso sa mga nasabing eksepsyon.
Dahil dito, mananatili ang mga kasong kinakaharap ni Discaya sa mababang hukuman.
