Nagbabala si Transportation Secretary Giovanni Lopez na simula April 15, 2026, ay hindi na lamang multa kundi tuluyang suspensyon o pagbawi ng prangkisa ang kakaharapin ng mga driver at operator na lalabag sa Service Contracting Program (SCP) ng gobyerno.
Sa isang round-table discussion, binigyang-diin ni Lopez na inutusan na niya ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maging mahigpit.
“Ayoko na ng fine. Tanggalin sila sa programa, suspindihin at i-revoke ang kanilang mga prangkisa,” aniya.
Sa ilalim ng SCP, ang mga PUV driver ay binabayaran ng gobyerno ng P30 hanggang P100 kada kilometro.
Bilang kapalit, dapat silang magbigay ng 20% fare discount sa lahat ng pasahero sa buong araw—kahit pa lumampas na sila sa 100-kilometer limit ng kanilang compensation.
Nagbabala rin ang kalihim laban sa mga driver na posibleng magtanggal ng mga tarpaulin (na nagsisilbing tanda na sila ay bahagi ng SCP) upang makaiwas sa pagbibigay ng discount.
Ayon kay Lopez, binabayaran na sila ng gobyerno kaya walang rason para maging abusado sa mga pasahero.
Inatasan na ang LTFRB na ilathala ang listahan ng mga rutang kasama sa programa, gayundin ang bagong fare matrix. Para sa mga nais magsuplong ng mga pasaway na driver, maaaring direktang makipag-ugnayan sa LTFRB.
