Matagumpay na sumailalim sa kanyang ikalawang medical procedure si Mayor Kit Nieto nitong Lunes, Abril 6, para sa operasyon sa kanang bahagi ng kanyang puso.
Ibinahagi ni Nieto sa kanyang social media post na tumagal ng halos dalawang oras ang nasabing proseso.
Ayon sa kanya, tinupad niya ang pangako sa kanyang doktor na babalik siya sa ospital pagkatapos ng pagdiriwang ng Mahal na Araw.
“Maaga akong nagising kaninang umaga. Nangako ako sa doktor ko na babalik ako sa Easter Monday para sa aking ikalawang medical procedure. Sa pagkakataong ito, sa kanang bahagi naman ng puso,” pahayag ni Nieto.
Bago ang operasyon, kinuwestiyon umano siya ng kanyang doktor matapos makita ang mga larawan niya na sumasama sa prusisyon noong Biyernes Santo.
Gayunpaman, iginiit ni Nieto na handa na siyang ituloy ang operasyon upang tuluyang gumaling.
Matapos ang procedure, ipinakita sa kanya ng doktor ang mga bara sa kanyang ugat kung saan ang isa ay nasa 90 porsyento (90%) nang barado, habang ang dalawa pa ay nasa 50 porsyento (50%).
Bagama’t nais sana ni Nieto na makauwi agad sa parehong araw, pinayuhan siya ng kanyang medical team na manatili muna at uminom ng mga gamot, kabilang na ang blood thinners.
Matatandaang noong Enero ng taong ito, sumailalim din sa isang heart surgery si Nieto matapos lumabas sa kanyang angiogram na mayroong serye ng bara sa kanyang mga arteri. Sa kabila ng pinagdadaanan, nananatiling positibo ang dating opisyal sa kanyang pagpapagaling.
