Photo credit: Kiko Barzaga/FB
Nagpahayag ng isang nakababahalang babala si dating Energy Secretary at kasalukuyang Leyte Gov. Jericho Petilla kaugnay ng hinaharap ng presyo ng petrolyo sa bansa.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Petilla na posibleng hindi na kailanman babalik sa mas mababang halaga ang presyo ng diesel.
“Huwag na kayong umasang babalik ‘yan sa P61,” ani Petilla.
Ayon sa kanya, ang bagong normal o ang inaasahang magiging permanenteng presyo ng diesel ay aabot sa P100 o higit pa. Samantala, ang gasoline naman ay nakikitang magiging bahagyang mababa sa P100, kapag “nag-normalize na ang lahat.”
Ang babalang ito ay nagdulot ng pangamba sa iba’t ibang sektor, partikular na sa mga drayber, operator, at mga ordinaryong mamimili na tiyak na direktang maaapektuhan ng mataas na gastos sa transportasyon at presyo ng mga bilihin.
Sa kabilang banda, isang magkaibang pananaw ang inihayag ni suspended Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga, na nagmungkahi na ang kasalukuyang taas ng presyo ay direktang resulta ng pamumuno.
Sa kanyang pahayag, binatikos niya ang “kapalpakang ng namumuno” bilang sanhi ng mataas na presyo ng langis.
Naniniwala si Barzaga na ang solusyon ay nasa pagbabago ng pamumuno sa bansa. “Kaya bababa yan pag maayos na ang Pangulo,” pahayag nito. Kasunod nito, hayagan niyang isinulong ang pampulitikang layunin para sa darating na eleksyon, na nagsasabing, “Duterte 2028 tayo!”
