Isang mabigat na rebelasyon ang bumitad sa ikatlong araw ng bail hearing sa Sandiganbayan matapos ikanta ng isang state witness na umabot sa P1.72 bilyon ang nakuha ng isang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula sa mga umano’y “ghost projects.”
Sa kanyang testimonya nitong Miyerkules sa harap ng Sandiganbayan Third Division, isiniwalat ni Sally Santos, may-ari ng Syms Construction Trading, na ang nasabing halaga ay napunta kay dating DPWH Engr. Brice Hernandez.
Ang pagdinig ay may kaugnayan sa kasong malversation na kinasasangkutan nina Hernandez, dating Senator Bong Revilla, at iba pang mga kapwa-akusado.
Ayon kay Santos, ang pondo ay nagmula sa 42 proyektong pang-imprastraktura sa Bulacan na nagkakahalaga ng kabuuang P1.8 bilyon.
Gayunpaman, kinuwestiyon ni Associate Justice Ronald Moreno ang pahayag na ito dahil ang orihinal na kaso ay tumutukoy lamang sa P92.8 milyong pondo para sa mga ghost flood control projects.
Sa kabila ng paglilinaw ng hukom, nanindigan si Santos sa kanyang rebelasyon.
Ibinahagi rin ng kontraktor na ang pinakamalaking transaksyon na kanyang ginawa ay ang pag-withdraw ng P400 milyon mula sa banko, na inabot umano ng limang oras bago natapos.
Nang tanungin kung nasaan ang natitirang bahagi ng P1.8 bilyong pondo, sinabi ni Santos na ibinigay ito sa kanya bilang “royalty fee” kapalit ng pagpapagamit ng lisensya ng kanyang kumpanya sa iba’t ibang entidad.
Sa gitna ng interogasyon ng mga mambabatas ng anti-graft court, nilinaw ni Santos na tanging kay Hernandez lamang siya direktang nakipag-ugnayan at wala siyang ibang koneksyon sa iba pang mga opisyal na idinadawit sa kaso.
Si Santos ay opisyal na kinilala bilang state witness sa ilalim ng Department of Justice (DOJ), kasama sina dating DPWH officials Roberto Bernardo at Henry Alcantara na nauna na ring tumestigo sa mga nakaraang pagdinig laban sa mga akusado.
