Tuluyan nang pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol na pagkabilanggo laban kay dating Mayor Teresita J. Soliva ng bayan ng Remedios T. Romualdez, Agusan del Norte, dahil sa hindi pag-liquidate ng pondo ng bayan noong siya ay nanunungkulan pa
Sa desisyong inilabas ng Supreme Court Public Information Office noong Marso 26, sinang-ayunan ng Mataas na Hukuman ang naunang ruling ng Sandiganbayan na nagpataw ng parusang Guilty para sa mga kasong Malversation of Public Funds (Article 217 ng Revised Penal Code) at Failure to Render Accounts (Article 218).
Nag-ugat ang kaso sa panunungkulan ni Soliva mula 2001 hanggang 2007. Ayon sa rekord, nakatanggap ang dating alkalde ng mga cash advances na hihigit sa P900,000 para sa mga confidential and intelligence expenses, travel, at peace-and-order operations.
Bagama’t may mga naibalik na pondo sa pamamagitan ng payroll deduction, nabigo si Soliva na magsumite ng wastong dokumentasyon o likidasyon para sa kabuuang halaga na P551,000.
Dahil dito, nahaharap siya sa isang count ng Malversation at sampung counts ng Failure to Render Accounts.
Bukod sa ilang taong pagkakakulong, pinatawan din ng Korte Suprema si Soliva ng multa na katumbas ng halagang hindi niya na-liquidate at perpetual Disqualification o habambuhay na pagbabawal na humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Ibinasura ng Korte Suprema ang mga argumento at bagong ebidensyang iprinisinta ni Soliva, at binigyang-diin na sapat na ang pagkakaroon ng shortage o kakulangan sa pondo para mapatunayan ang malversation kung hindi ito maipaliwanag nang maayos ng opisyal.
Ang desisyong ito ay nagsisilbing babala sa lahat ng mga lingkod-bayan na ang pananagutan sa paghawak ng kaban ng bayan ay hindi nagtatapos kahit tapos na ang termino sa serbisyo.
Nanatiling matatag ang korte sa pagpapatupad ng transparency at disiplina sa paggamit ng pera ng mga mamamayan.
