— Nagharap ang mga opisyal ng ekonomiya at mga mambabatas sa Senado ngayong Marso 11 upang himayin ang mga panukalang batas na naglalayong suspindihin ang excise tax sa petrolyo, sa gitna ng banta ng tumataas na inflation at gulo sa Middle East.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means, inilatag ng Department of Finance (DOF) ang bigat ng epekto ng naturang hakbang sa kaban ng bayan, habang iginigiit naman ng mga mambabatas ang agarang relief para sa mga tsuper at komyuter.
Ipinanukala ng DOF ang isang mekanismo kung saan awtomatikong sususpindihin ang excise tax sa langis kapag ang average na presyo ng Dubai crude oil ay lumampas sa $80 bawat bariles sa loob ng dalawang magkasunod na buwan.
Gayunpaman, nagmungkahi si Senator Pia Cayetano at iba pang mambabatas na paikliin ang “trigger period” sa isang buwan lamang upang mas mabilis na maramdaman ng publiko ang bawas-presyo sa mga gasolinahan.
Ayon kay DOF Undersecretary Carlo Adriano, aabot sa P136 bilyon ang mawawalang kita sa gobyerno mula Mayo hanggang Disyembre 2026 kung sususpindihin ang excise tax.
Kung isasama ang Value-Added Tax (VAT), maaaring lumampas ito sa P200 bilyon.
“Kailangang balansehin ang fiscal stability at ang proteksyon sa kabuhayan ng mamamayan. Ito ay magsisilbing ’emergency safety valve’ lamang,” ani Senator Erwin Tulfo.
Dahil sa laki ng mawawalang pondo, tinalakay din ang mga “belt-tightening measures” sa gobyerno, kabilang ang pagbabawas sa mga non-essential travels at pagtitipid sa kuryente at gasolina sa mga opisina ng pamahalaan.
Ipinaliwanag ng DOF na mas madaling ipatupad ang pag-alis ng excise tax dahil ito ay “straightforward” na bawas-presyo kada litro. Nagbabala sila laban sa pagsuspinde ng VAT dahil sa pagiging kumplikado
Sa panig ng transportasyon, inihayag ni Modesto Floranda, presidente ng Piston, ang desperadong kalagayan ng mga jeepney driver.
Aniya, sa tindi ng taas ng presyo, ang “take-home pay” ng isang drayber ay nasa P300 hanggang P400 na lamang para sa 12 hanggang 18 oras na pagpasada—malayo sa minimum wage sa Metro Manila.
Bagama’t itinuturing na “urgent” ang panukala, binigyang-diin ni Senator Cayetano na kailangang hintayin ang bersyon mula sa House of Representatives bago ito maidepensa sa plenaryo ng Senado, alinsunod sa itinatakda ng Konstitusyon para sa mga tax measures.
Samantala, tiniyak ng LTFRB na tuloy ang pamamahagi ng P2.5 bilyon na fuel subsidy (P5,000 bawat beneficiary) para sa mga kwalipikadong drayber habang hinihintay ang pinal na desisyon sa usapin ng buwis.
