Isang 38-anyos na security guard ang mapayapang sumuko sa mga awtoridad matapos tangkaing wakasan ang sariling buhay sa loob ng isang kulungan ng manok sa Sitio Dagat-dagatan, Brgy. Muntindilaw, Antipolo City, kahapon ng madaling araw, Marso 10.
Kinilala ang biktima na si alyas “Roderick,” residente ng San Mateo, Rizal.
Ayon sa ulat ng Cainta Municipal Police Station (MPS), nakatanggap sila ng tawag mula sa BPSO ng Brgy. San Isidro bandang alas-5:00 ng madaling araw hinggil sa nagaganap na insidente.
Sa pagresponde ng mga elemento ng Cainta MPS sa pangunguna ni PLTCOL Alfredo De Guzman Lim, natagpuan ang biktima na nakakulong sa loob ng isang chicken coop.
Armado ang biktima ng isang shotgun na nakatutok sa kaniyang baba at nagbabantang magpapaputok.
Kaagad na nagsagawa ng negosasyon ang mga pulis upang pakalmahin ang biktima. Lumabas sa paunang imbestigasyon na matinding stress ang nararanasan ni Roderick dahil sa hinalang may ibang lalaki ang kaniyang kinakasama.
Matapos ang mahaba at matiyagang pakikipag-usap, matagumpay na napasuko ni PLTCOL Lim ang biktima. Nakumpiska mula sa kaniya ang isang Ermox caliber 12-gauge shotgun, isang magazine, at tatlong bala.
Ligtas na nakuha ang biktima at dinala sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang disposisyon.
Dahil ang lugar ng insidente ay sakop ng Antipolo, nakatakdang iturn-over ang kaso sa Antipolo City Police Station para sa pagsasagawa ng mas malalim na imbestigasyon.
