Posibleng pag-aralan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang ipatupad ang four-day workweek sa bansa bilang bahagi ng hakbang sa pagtitipid ng enerhiya habang patuloy na tumitindi ang tunggalian sa Middle East.
Sa isang briefing nitong Miyerkules, Marso 4, 2026, kinumpirma ni Palace Press Officer Claire Castro na bukas ang Pangulo sa nasabing suhestiyon, lalo na kung lalong lalala ang gulo sa pagitan ng Israel at Iran.
Bagama’t hindi pa pormal na natalakay sa Cabinet meeting, ang mungkahi ay nag-ugat sa panawagan ni Senator Sherwin Gatchalian. Layunin nito na gawing apat na araw na lamang ang pasok o kaya ay palawigin ang work-from-home (WFH) setup upang maibsan ang pasanin ng publiko sa mabilis na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Binigyang-diin sa ulat na mayroon nang mga legal na batayan para sa ganitong mga hakbangin, tulad ng CSC Memorandum Circular No. 6 para sa mga kawani ng gobyerno at ang Republic Act No. 11165 o Telecommuting Act para sa pribadong sektor.
Ang mga polisiyang ito ay nagpapahintulot ng flexible work arrangements na maaaring magamit ng mga kumpanya at ahensya sa gitna ng banta ng krisis sa enerhiya.
Matatandaang nitong nakaraang Lunes ay nanawagan na ang Pangulo sa buong sambayanan na maging matipid sa paggamit ng enerhiya dahil sa inaasahang kakulangan ng supply ng langis sa merkado sa mga darating na linggo.
Nitong nakaraang Lunes, muling nakiusap ang Pangulo sa mga Pilipino na magtipid sa enerhiya bilang paghahanda sa inaasahang kakulangan ng supply ng langis sa mga susunod na linggo.
“Hinihimok natin ang publiko, lalo na ang mga opisyal ng gobyerno, na iwasan ang mga hindi importanteng biyahe. Hangga’t maaari ay gumamit ng pampublikong sasakyan o makisabay sa carpooling,” ayon sa direktiba ng Pangulo.
Bilang bahagi ng paghihigpit, naglabas na rin ng advisory ang Inter-Agency Energy Efficiency and Conservation Committee (IAEECC) na nag-uutos sa lahat ng opisina ng pamahalaan na bawasan ang kanilang fuel consumption nang hindi bababa sa 10 porsyento.
