Kinumpirma ng kontrobersyal na vlogger na si Francis Leo Marcos, o Norman Mangusin sa tunay na buhay, na tuluyan nang tinanggal o dinisable ang kanyang mga account sa TikTok at Facebook, na naging dahilan ng pagkawala ng bahagi ng kanyang kinikita.
Sa isang livestream nitong Martes ng gabi, Marso 3, inihayag ni Mangusin na nanganganib din na mawala ang kanyang YouTube channel.
Sa kabila nito, iginiit ng vlogger na wala siyang problema kung mawalan man siya ng kita mula sa mga nasabing platform.
“Wala na po akong TikTok, wala na rin ho akong Facebook, dinisable na nila. Hindi ko rin ho alam kung hanggang kailan ’tong YouTube na ’to at wala rin ho namang kita ay wala ho akong problema,” pahayag ni Mangusin sa kanyang mga tagasubaybay.
Ang pagkawala ng kanyang social media accounts ay naganap matapos magsampa ng mga reklamo si National Police Commission (Napolcom) Commissioner Ralph Calinisan laban sa vlogger. Kabilang sa mga isinampa ay ang kasong unjust vexation at cyber libel na may kaugnayan sa Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ayon kay Calinisan, binalahura siya ni Mangusin sa pamamagitan ng pagtawag sa kanya ng mga mapanirang ngalan gaya ng “K-pal” (kupal) at “Shu Fat” (supot) habang ang vlogger ay kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad.
Binigyang-diin ni Commissioner Calinisan na hindi katanggap-tanggap ang ginawa ni Mangusin dahil ginagawa lamang nila ang kanilang tungkulin bilang mga opisyal ng pamahalaan para sa kapakanan ng taumbayan.
“We are government officials, we are doing our functions properly, correctly, and rightfully para sa taumbayan. And itong mga name calling na ganito is not necessary. We are making him accountable for what he has done,” ani Calinisan.
Sa ngayon, nananatiling bukas pa ang YouTube channel ni Mangusin, ngunit hindi pa malinaw kung magkakaroon din ito ng sanction bunsod ng mga kinakaharap niyang legal na usapin.
