Ipinag-utos ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na dapat gawin lamang sa loob ng kani-kanilang campus ang lahat ng graduation ceremonies ng mga pampublikong paaralan sa lungsod.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng paghahanda ng Maynila sa banta ng krisis sa langis sa buong mundo.
Sa isang management committee meeting, direktang inutusan ng alkalde si Manila Schools Division Office (SDO) Superintendent Dr. Sheryll Gayola na tiyaking walang gaganaping rites sa mga hotel o mamahaling venue.
Layunin nito na hindi na madagdagan ang gastusin ng mga magulang, lalo na’t inaasahan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pamasahe.
Ayon kay Mayor Isko, ang direktiba ay bunsod ng tensyon sa Middle East at ang ulat na harang o blockade sa Strait of Hormuz. Ang rutang ito ang dinadaanan ng halos 20 porsyento ng suplay ng langis sa buong mundo.
“Kaya tataas ang presyo ng mga bilihin, gastusin, pamasahe, and so on and so forth, most likely,” babala ng alkalde.
Dahil dito, nakiusap si Domagoso sa mga paaralan na panatilihing “modest and frugal” o simple at matipid ang mga selebrasyon.
Aniya, kahit ang maliit na pagtaas sa presyo ay magdudulot ng malaking epekto sa budget ng bawat pamilyang Manilenyo.
Ang utos na ito ay nakaangkla sa Executive Order No. 7, Series of 2026, na naglalayong magtipid ang buong pamahalaang lungsod.
Sa ilalim ng kautusang ito, seryosong ipinapatupad ang 50 porsyentong pagbabawas sa konsumo ng krudo sa lahat ng sangay ng pamahalaang lungsod, kasabay ng pagbabawal sa mga hindi importanteng biyahe at suspensyon ng mga lakbay-aral.
Binigyang-diin ng alkalde na bagama’t mahalagang yugto ang graduation para sa mga estudyante, dapat pa ring manaig ang pagiging praktikal sa gitna ng kawalan ng katiyakan sa pandaigdigang ekonomiya.
