Magbabalik sa mga kalsada ng Kamaynilaan ang tanyag na “Love Bus,” ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na ito gagamit ng krudo.
Opisyal nang nilagdaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Global Electric Transport (GET) Philippines ang isang kasunduan para sa Electric Love Bus Program na magbibigay ng libreng sakay sa mga commuter.
Pinangunahan nina MMDA Chairman Atty. Don Artes at GET Philippines President Sigfrido Tinga ang paglagda sa Memorandum of Agreement sa MMDA Head Office.
Ayon kay Artes, ang inisyatibong ito ay suporta sa bisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa isang ligtas, maaasahan, at modernong sistema ng transportasyon na makababawas sa gastos at pagod ng mga manggagawa.
“Sa pamamagitan ng partnership na ito, magpapatakbo tayo ng mga fully electric buses na mas malinis, tahimik, at moderno. Makakatulong ito sa pagbabawas ng polusyon at pagsisikip ng trapiko sa mga pangunahing ruta,” pahayag ni Artes.
Ruta at Operasyon Inaasahang ilulunsad ang programa sa huling linggo ng Abril o unang linggo ng Mayo ngayong 2026. May sampung (10) unit ng electric buses na may kapasidad na 30 pasahero ang itatalaga sa mga sumusunod na ruta (Eastbound at Westbound):
- Robinsons Galleria
- Estancia Mall
- MMDA Head Office
- Arcovia / Opus Mall
- Eastwood City
- Tiendesitas / C5 Corridor
Mag-ooperate ang mga bus mula 6:00 a.m. hanggang 9:00 p.m. o 10:00 p.m. araw-araw, depende sa dami ng pasahero. Plano rin ng MMDA na palawakin pa ang serbisyong ito sa iba pang lokal na pamahalaan sa Metro Manila.
Tulong ng Private Sector Naging posible ang libreng serbisyo sa tulong ng mga corporate sponsors tulad ng Robinsons Land Corporation (RLC), Megaworld Corporation, Ortigas Land, at ISWIMS.
Sa ilalim ng kasunduan, ang MMDA ang mamamahala sa trapiko at ruta, habang ang GET Philippines naman ang bahala sa operasyon at maintenance ng mga sasakyan.
Ayon kay RLC President Mybelle Aragon-Gobio, ang proyektong ito ay patunay ng magandang resulta kapag nagtulungan ang gobyerno at pribadong sektor para sa ikabubuti ng publiko.
