Pormal na inanunsyo ni DILG Secretary Jonvic Remulla sa isang press conference sa Quezon City ngayong Huwebes, Pebrero 12, 2026, ang pagtataas ng pabuya para sa ikakaaresto ng negosyanteng si Atong Ang na ngayon ay nasa P20 milyon na.
Kasama si PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., binigyang-diin ng kalihim na ang hakbang na ito ay bahagi ng mas pinaigting na operasyon ng pamahalaan upang mapabilis ang pagdakip sa nasabing negosyante.
Kasabay nito, naglabas din ng mahalagang update si Secretary Remulla hinggil sa isinasagawang imbestigasyon sa Bureau of Fire Protection kaugnay ng mga alegasyon ng malawakang korapsyon sa loob ng ahensya.
Kinumpirma ng kalihim na kasalukuyan nang inihahanda ang pagsasampa ng mga kaukulang kaso laban sa mga opisyal na napatunayang nasa likod ng mga iregularidad na ito.
Ayon sa DILG, hindi nila papahintulutan ang anumang uri ng katiwalian sa mga kawanihan sa ilalim ng kanilang pamumuno at titiyakin nilang mananagot ang lahat ng sangkot sa nasabing anomalya upang maibalik ang integridad sa serbisyo publiko.
