Walang planong magpa-awat ang National University (NU) Lady Bulldogs sa kanilang pag-arangkada para sa inaasam na three-peat sa UAAP Season 88 Women’s Volleyball Tournament, sa kabila ng malalaking pagbabago sa kanilang roster at coaching staff.
Matapos ang makasaysayang title sweep noong Season 84 at muling pagbawi ng korona sa nakalipas na dalawang taon, naging pamantayan na ng NU ang dominasyon sa taraflex.
Maliban sa pagkatisod laban sa La Salle noong Season 85, tila wala pang ibang koponang nakakahanap ng susi para tuluyang tibagin.
Isang kakaibang rekord ang hawak ngayon ng NU: ang kanilang huling tatlong kampeonato ay nakuha sa ilalim ng tatlong magkakaibang head coaches—sina Karl Dimaculangan (Season 84), Norman Miguel (Season 86), at Sherwin Meneses (Season 87).
Ngayong Season 88, si Regine Diego naman ang hahawak ng manibela. Bilang unang babaeng head coach na susubok mag-extend ng dinastiya ng Lady Bulldogs, bitbit ni Diego ang misyong panatilihin ang “unrelenting standard of excellence” ng koponan.
Sa gitna ng pagbabago, nakatutok ang lahat sa reigning Finals MVP na si Vange Alinsug. Sa kanyang ikaapat na taon, hindi na lamang siya “complementary piece” kundi isa nang pangunahing haligi ng opensa.
Sa edad na 18 at taas na 5-foot-7, napatunayan na ni Alinsug ang kanyang bangis mula high school hanggang sa international stage kasama ang Alas Pilipinas Girls. (Ron Tolentino)
