Handa nang isakripisyo ng pito-talampakang higante na si Greg Slaughter ang kanyang mataas na presyo upang muling makatapak sa Philippine Basketball Association.
Ayon sa ulat, malugod nang tatanggapin ni “Greg-Zilla” ang isang malaking bawas sa kanyang sahod sa koponan ng Titan Ultra para lamang maisakatuparan ang kanyang hangaring makapaglaro muli para sa kanyang sarili at para sa kanyang pamilya.
Ibinahagi ng isang source na hindi na isyu para sa dating Gilas Pilipinas big man ang halaga ng kontrata dahil ang mas mahalaga sa kanya ngayon ay mapatunayan ang kanyang galing matapos ang mahabang panahon na nawala siya sa liga.
Ang nasabing kasunduan ay pasok sa allowable maximum pay ng PBA na nagkakahalaga ng 450,000 kada buwan, at nakahanda umano si Slaughter na tumanggap ng halagang mas mababa pa sa kanyang unang hiling sa Titan Ultra, ang prangkisang nagmana ng kanyang signing rights mula sa NorthPort.
Naniniwala ang kampo ni Slaughter na ang kanyang market value ay muling tataas depende sa kanyang ipakikitang performance at kung gaano kalayo ang mararating ng koponan sa darating na kumperensya.
Itinuturing din itong paraan ng manlalaro upang magpakita ng pagsisisi o remorse kung mayroon man siyang naging pagkukulang o pagkakasala sa liga noon.
Kinumpirma naman ni Titan Ultra team owner Bryann Calantoc na nananatili silang may komunikasyon kay Slaughter simula nang magpakita ito sa kanilang unang ensayo para sa Commissioner’s Cup.
Ayon sa 37-anyos na si Calantoc, ang pinakabatang may-ari ng koponan sa liga, bukas ang pintuan ng Titan Ultra para sa higante at umaasa siyang mahanap ni Slaughter ang kanyang daan pabalik sa PBA sa pamamagitan ng kanilang prangkisa.
Ang team governor na si Emil Tiu at team manager na si Bonnie Tan ang direktang nakikipag-ugnayan sa manlalaro para ayusin ang mga detalye ng posibleng pirmahan.
Malaking tulong si Slaughter sa kampanya ng Titan Ultra lalo na’t kailangan nila ng karagdagang tangkad matapos ang pagkawala ni Calvin Abueva na humiling ng trade kamakailan.
Bagama’t hindi mapupunuan ni Slaughter ang enerhiyang iniwan ni Abueva, ang kanyang laki at husay sa shooting ay inaasahang magpapaangat sa performance ng koponan na nagtapos lamang sa ikasiyam na pwesto noong nakaraang Philippine Cup.
Sa oras na magkasundo sa lahat ng terms, nakahanda ang management na agad na papirmahin si Slaughter at isumite ang kontrata sa tanggapan ng PBA upang pormal nang selyuhan ang kanyang pagbabalik.
Sa kabila ng mga katanungan mula sa ibang koponan tungkol sa status ni Slaughter, nanindigan si Calantoc na hindi nila ito ite-trade. Diin ng batang team owner, nais nilang gawing “cornerstone” o pangunahing haligi ng kanilang koponan ang dating Ateneo star, maliban na lamang kung ang manlalaro mismo ang humiling na mailipat sa ibang team.
Sa kasalukuyan, tanging ang pagkakasundo sa presyo at pirma sa tuldok na linya na lamang ang hinihintay upang muling masilayan ang isa sa pinakamalalaking manlalaro sa kasaysayan ng liga sa loob ng court. (Ron Tolentino)
