Sa gitna ng mainit na kompetisyon sa The Grange Golf Club, nakaranas ng matinding hamon ang pambato ng Pilipinas na si Miguel Tabuena matapos itong bumaba ng 16 na pwesto patungo sa ika-25 na ranggo sa ikalawang araw ng LIV Golf Adelaide.
Nagtala ang Pinoy ace ng up-and-down na 71 ngayong Biyernes, kung saan pinaghalong apat na birdie at tatlong bogey ang kanyang naging marka para sa four-under 140 total.
Sa kabila ng matikas na simula ni Tabuena sa unang round kung saan pumalo siya ng 69 para makihati sa ikasiyam na pwesto, naiwan na siya ng siyam na palo sa kasalukuyang lider na si Jon Rahm na humataw ng nagbabagang 63 matapos ang naunang 68.
Gayunpaman, ang bahagyang pag-atras ni Tabuena sa leaderboard ay hindi nakabawas sa kinang ng kanyang makasaysayang kampanya ngayong linggo.
Bago pa man ang unang drive sa Adelaide, opisyal nang kinumpirma na si Tabuena ang kauna-unahang Pilipino na nakakuha ng full-time status bilang wild card para sa buong 2026 LIV Golf season.
Ito ay isang malaking hakbang mula sa kanyang debut noong nakaraang linggo sa Riyadh kung saan naglaro lamang siya bilang reserve at nagtapos sa ika-48 na pwesto.
Dahil sa kanyang tagumpay sa International Series Philippines at ikatlong pwesto sa Asian Tour Order of Merit, tuluyan nang nabuksan ang pinto para sa 31-anyos na golfer na makasabayan ang mga pinakamalalaking pangalan sa mundo ng golf sa loob ng mahabang panahon.
Bagama’t itinuturing na “blistering scores” ang ipinamalas ng kanyang mga katunggali sa Australia, nananatiling positibo ang kampo ni Tabuena dahil garantisado na ang kanyang pagsabak sa mga susunod na yugto ng liga sa mga bansang gaya ng Singapore, Hong Kong, at United Kingdom.
Ang kanyang pagiging wild card ay nangangahulugan na hindi na siya aasa pa sa mga last-minute withdrawal upang makalaro, kundi magiging regular nang kalahok sa $20-million na mga torneo.
Sa ngayon, nakatuon ang atensyon ng Philippine No. 1 sa pagbawi sa huling bahagi ng Adelaide tournament upang masiguro ang mas malaking payday at patunayan na ang kanyang “championship DNA” ay nararapat sa prestihiyosong breakaway circuit. (RON TOLENTINO)
