RIZAL – Nagbabala ang kapulisan sa publiko matapos maitala ang dalawang magkahiwalay na insidente ng carnapping sa Cainta at Taytay kung saan parehong naiwan ng mga biktima ang susi sa kanilang mga motorsiklo.
Sa Cainta, iniulat ni alyas “Alfredo” ang pagkawala ng kanyang red/black na Motorstar motorcycle noong hapon ng Enero 25 sa Kabanalan Street, Karangalan Village, Brgy. San Isidro.
Ayon sa imbestigasyon ng Cainta Municipal Police Station (MPS), ipinarada ng biktima ang motor sa tapat ng kanilang bahay bandang alas-11:00 ng umaga. Ngunit laking gulat niya nang bandang alas-3:30 ng hapon ay wala na ito sa pwesto.
Doon lang napagtanto ng biktima na naiwan niya palang nakasaksak ang susi sa ignition switch ng sasakyan. Kasalukuyan nang nirerepaso ng mga pulis ang CCTV sa lugar para matukoy ang salarin at maialarma ang nakaw na motor sa buong bansa.
Samantala sa Taytay, isang motorsiklo rin ang tinangay noong gabi ng Enero 29 sa Brgy. San Juan. Personal na dumulog sa Taytay MPS ang biktimang si alyas “Alfie” nitong Enero 31 para pormal na isumbong ang krimen.
Lumalabas na katatapos lang linisin ng biktima ang kanyang motor sa tapat ng bahay nang sandali niya itong iwanan nang hindi tinatanggal ang susi. Ilang sandali pa ay narinig na lamang niya ang pag-andar ng makina. Sinubukan pang habulin ng biktima ang suspek ngunit bigo itong maabutan. Sa tulong ng CCTV footage, nakilala ang suspek na isang alyas “Jay.”
Dahil sa mga insidenteng ito, muling nagpapaalala ang mga awtoridad sa mga motorista na huwag maging kampante. Siguraduhing laging dala ang susi at huwag iwanan ang sasakyan nang walang bantay, kahit pa ito ay nasa tapat lamang ng sariling tahanan, upang hindi mabigyan ng pagkakataon ang mga kawatan.
