Handa na ang entablado para sa makasaysayang Philippine Women’s Open matapos ilabas ang main draw para sa kauna-unahang Women’s Tennis Association (WTA) 125 event na gaganapin sa bansa.
Bilang pambato ng Pilipinas at seeded second sa torneo, nakatakdang harapin ni Alex Eala ang pambato ng Russia na si Alina Charaeva sa unang round.
Sa kasalukuyan, si Eala ay nasa World No. 49 at itinuturing na “heavy favorite” sa kompetisyon, habang ang 23-anyos na si Charaeva ay nasa ika-163 na pwesto sa pandaigdigang ranking.
Ang mananalo sa tapatang ito ay susunod na makakalaban ang magwawagi sa pagitan nina Nao Hibino at Himeno Sakatsume.
Samantala, ang German ace na si Tatjana Maria ang tatayong top seed ng torneo at makakaharap naman ang Pranses na si Leolia Jeanjean sa unang round. Ang mananalo sa kanila ay makakatapat ang magwawagi sa laban nina UAAP Season 87 MVP Kaye Emana at ng Rusong si Tatiana Prozorova.
Bukod kina Eala at Emana, sasabak din sa main draw ang iba pang Filipina tennisters na sina Elizabeth Abarquez, na makakalaban si Mai Hontama ng Japan, at Tennielle Madis, na makikipag-upakan naman kay Mananchaya Sawangkaew.
Inaasahan ding madaragdagan pa ang mga pambato sa main draw dahil may apat pang slot na paglalabanan sa mga qualifiers.
Sa bahagi naman ng qualifying rounds, umusad na si Stefi Aludo sa second round matapos payukuin ang kababayang si Angeline Alcala sa iskor na 6-1, 6-0.
Susunod niyang makakaharap ang pambato ng Japan na si Sakura Hosogi. Hindi naman pinalad ang hometown bet na si Louraine Jallorina matapos itong talunin ni Peangtarn Plipuech na susunod namang makakatunggali si Rina Saigo.
Kasabay nito, inaabangan din ang tapatan nina Viktoria Morvavoya at Nicole Fossa Huergo para sa susunod na bracket ng qualifiers. Ang main draw ng prestihiyosong torneo ay nakatakdang ganapin simula sa Enero 26 hanggang 31. (Ron Tolentino)
