Sa edad na 71, pinatunayan ni Efren “Bata” Reyes na wala pa siyang planong tuluyang ibaba ang kanyang tako matapos makilahok sa prestihiyosong WNT Legends exhibition tournament.
Ang nasabing paligsahan ay muling nagsama-sama sa mga alamat ng bilyar na sina Francisco “Django” Bustamante, Earl Strickland, at Ralf Souquet.
Bagama’t siya ang pinakamatanda sa grupo, iginiit ni Reyes na hangga’t kaya pa ng kanyang katawan ay patuloy siyang lalaban at magpapakitang-gilas sa larangan na nagbigay sa kanya ng pandaigdigang katanyagan.
Gayunpaman, tila naging hadlang ang panahon sa huling laban ni Reyes nang yumuko siya kay Ralf Souquet sa iskor na 11-9 sa pag-aagawan para sa ikatlong pwesto nitong Biyernes, Enero 23.
Sa kabila ng pagkakahuli sa iskor na 4-7, ipinamalas pa rin ng “Magician” ang kanyang husay nang humabol at itabla ang laban sa 9-9 matapos ang ilang sunod-sunod na mahikal na 1-9 at 2-9 combinations.
Ngunit sa huling bahagi ng laban, naging krusyal ang pagkakamali ni Reyes sa five ball na nagbigay ng pagkakataon kay Souquet upang ubusin ang mga bola at selyuhan ang kanyang pagkapanalo.
Tinapos ni Reyes ang torneo na may 1-2 record, kung saan tinalo niya si Souquet sa unang araw ngunit lumasap ng pagkatalo kay Strickland sa ikalawang araw.
Inamin ni Reyes na tila hindi pumanig sa kanya ang suwerte sa pagkakataong ito dahil mas naging maganda ang laro ng kanyang mga katunggali.
Sa kabila nito, si Reyes pa rin ang naging bida ng gabi dahil sa dagsa ng mga tagahangang nagnanais makakuha ng kanyang autograph at makapag-selfie sa tinaguriang “Greatest of All Time.”
Maging ang kanyang nakatunggali na si Souquet ay nagbigay ng mataas na respeto kay Reyes sa pagsasabing walang duda na si “Bata” ang pinakamagaling na manlalaro sa kasaysayan ng bilyar.
Sa huli, nagpasalamat ang Pinoy legend sa kanyang mga tagasuporta na walang sawang nagdadasal at sumusubaybay sa kanya.
Para kay Reyes, ang mahalaga ay ang pagkakataong makapagbigay pa rin ng saya sa mga tao habang hawak niya ang kanyang tako sa ibabaw ng luntiang lamesa. (Ron Tolentino)
