Tinanggal sa kanyang kasalukuyang tungkulin ang isang pulis sa Marikina matapos itong mag-viral sa social media dahil sa pagharang sa daanan ng isang volunteer fire truck.
Sa isang pahayag na inilabas nitong Enero 23, kinumpirma ni Police Colonel Jenny DC Tecson, officer-in-charge ng Marikina City Police, na pansamantalang inalis sa pwesto ang nasabing opisyal at inilipat sa Station Headquarters Support Unit (SHSU) habang gumugulong ang imbestigasyon.
Binigyang-diin ng pamunuan na bagama’t nagkaroon na ng areglo o “amicable settlement” sa pagitan ng pulis at ng driver ng fire truck, kailangan pa ring managot ang opisyal sa ilalim ng mga patakaran ng Philippine National Police (PNP) para sa internal accountability.
Nagsimula ang tensyon dahil sa umano’y “momentary misunderstanding” sa kalsada kung saan hindi naging malinaw kung hihinto o tutuloy ang fire truck, na nagresulta sa pagpapatuloy ng sasakyan ng pulis hanggang sa mauwi sa mainit na pagtatalo.
Ayon sa ulat ng pulisya, nagkaroon din ng “near-miss incident” sa isang tricycle dahil sa pagmaniobra ng truck, ngunit sa huli ay nagkaunawaan din ang magkabilang panig at humingi ng paumanhin ang may-ari ng fire truck para sa kanyang drayber.
Hiniling din ng dalawang kampo na burahin na ang mga viral video upang matuldukan na ang isyu, subalit hindi ito naging hadlang upang atasan ang pulis na magsumite ng nakasulat na paliwanag para sa posibleng pre-charge.
Samantala, hindi rin nakaligtas ang mga sangkot sa Land Transportation Office (LTO) na naglabas ng show cause order laban sa pulis, gayundin sa drayber at may-ari ng fire truck.
Pinatawan ng 90-araw na preventive suspension ang lisensya ng pulis habang inilagay naman sa “alarm status” ang kanyang sasakyang Toyota Vios.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, hindi katanggap-tanggap ang anumang uri ng pagharang sa mga emergency vehicle dahil kritikal ang kanilang tungkulin sa pagliligtas ng buhay at ari-arian.
Nakatakdang humarap ang lahat ng panig sa tanggapan ng LTO sa darating na Enero 29 upang magbigay ng kanilang panig at matukoy kung dapat silang tuluyang bawian ng lisensya dahil sa pagiging “improper person to operate a motor vehicle.”
