Naka-high alert ngayon ang buong puwersa ng Iran matapos magbabala ang isang mataas na opisyal ng gobyerno na ituturing nilang “all-out war” ang anumang uri ng pag-atake mula sa Estados Unidos.
Ang matapang na pahayag na ito ay tugon sa anunsyo ni President Donald Trump na nagpadala ang Amerika ng isang “armada” o malaking pulutong ng mga barkong pandigma patungo sa nasabing bansa.
Ayon sa isang hindi nagpakilalang opisyal ng Iran, hindi sila magdadalawang-isip na tumugon sa “pinakamahirap na paraan” sakaling labagin ng Amerika ang soberanya at teritoryo ng Iran.
Iginiit ng opisyal na maging limitado, surgical, o kinetic man ang uri ng opensiba, ituturing itong ganap na digmaan laban sa kanilang bansa.
Nag-ugat ang panibagong tensyon matapos mangako si Trump na magpapadala ng tulong sa mga Iranian protester na kasalukuyang nakikipaglaban sa marahas na crackdown ng rehimen.
Libu-libo na ang naiulat na nasawi sa mga demonstrasyon sa nakalipas na dalawang linggo. Nagbabala rin ang US President laban sa muling pagbubukas ng nuclear programme ng Iran.
Bilang bahagi ng lumalalang palitan ng banta, naglabas ang Iran ng isang video sa state TV na nagpapakita ng nakaraang tangkang pagpaslang kay Trump noong 2024, na may kalakip na babalang, “sa pagkakataong ito, hindi na sasablay ang bala.”
Sa gitna ng kaguluhan, nananatiling banta ang parusang kamatayan para sa mga raliyista tulad ng shopkeeper na si Erfan Soltani, bagama’t itinanggi ni Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi na may plano silang magsagawa ng mga pagbitay.
Samantala, nagsimula na ring magbawas ng tauhan ang US sa ilang mahahalagang base militar sa rehiyon habang patuloy na bumubulusok ang sitwasyong politikal sa pagitan ng dalawang bansa. (Limuel Tolentino)
