OLYMPUS DIGITAL CAMERA
Matapos ang mahigit isang dekadang pakikipaglaban sa korte, nakamit ng Talents Association of GMA (TAG) ang pinal na tagumpay laban sa dambuhalang TV network matapos maglabas ng desisyon ang Supreme Court na pabor sa kanila.
Sa isang pahayag nitong Sabado, ibinahagi ng TAG na kinatigan ng High Court 3rd Division ang kanilang panig sa pagsasabing ang mga talento ay kinikilalang “regular employees” na nararapat lamang makatanggap ng security of tenure at mga statutory benefits.
Ang nasabing ruling ay ginawa noong Hulyo ngunit ngayong katapusan ng linggo lamang isinapubliko, kung saan 94 na miyembro ng TAG—na karamihan ay mula sa GMA Integrated News—ang direktang makikinabang.
Bukod sa pagkilala sa kanilang regular na estado, idineklara rin ng Korte Suprema na 50 sa mga miyembro ng grupo ang iligal na tinanggal sa trabaho.
Ang mga empleyadong ito ay ang mga hindi na-renew ang kontrata o biglaang tinapos ang serbisyo habang gumugulong ang kaso sa korte. Dahil dito, inutusan ng mataas na hukuman ang pamunuan ng network na bayaran ang mga nasabing manggagawa ng kaukulang separation pay at backwages.
Para sa TAG, ang desisyong ito ay hindi lamang tagumpay para sa kanilang grupo kundi isang mahalagang jurisprudence o basehang legal na magbibigay ng proteksyon sa susunod na henerasyon ng mga manggagawa sa media sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang panig ng GMA Network hinggil sa naging desisyon ng korte.
Naniniwala ang TAG na ang pagkapanalong ito ay patunay na tama ang kanilang ipinaglaban simula pa noong una, na ang mga manggagawa sa likod ng mga balita at programa ay dapat tratuhin nang may dignidad at naaayon sa batas paggawa.
Ang labing-isang taong laban na ito ay nagsisilbing babala at paalala sa mga kumpanya sa bansa tungkol sa tamang klasipikasyon at pangangalaga sa kanilang mga kawani. (Mads Reyes)
