Kalaboso ang isang retiradong heneral na dati nang idinidikit sa naudlot na kudeta noong huling bahagi ng 2025 matapos itong arestuhin ng mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong hapon.
Sa bisa ng warrant of arrest, pinosasan ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region (CIDG-NCR) si retired Major Gen. Romeo Poquiz pagkababa na pagkababa nito sa eroplano galing Bangkok, Thailand, kung saan siya nagdiwang ng Pasko kasama ang kanyang pamilya.
Ayon kay CIDG-NCR chief Police Colonel John Guiagui, isinagawa ang pag-aresto base sa warrant na inisyu ng Quezon City Regional Trial Court Branch 77. Ang kaso ay nag-ugat sa partisipasyon ni Poquiz sa mga kilos-protesta sa People Power Monument noong Nobyembre 16 at 17, 2025.
Si Poquiz ay isa sa tinatayang 100 opisyal ng militar na lumagda sa isang manifesto na nananawagan sa pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa gitna ng kontrobersyal na flood control scandal na kinasasangkutan ng kanyang mga kaalyado, kabilang si dating House Speaker Martin Romualdez.
Mula sa paliparan, dinala ang retiradong heneral sa Camp Crame para sa kaukulang proseso. Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio, nakatakda silang magpiyansa para sa pansamantalang kalayaan ng heneral.
Mariing binatikos ni Topacio ang pag-aresto at tinawag itong isang “scare tactic” o pananakot ng administrasyong Marcos laban sa mga kritiko.
“Ito po ay talagang very obvious na tinatakot po ng administrasyon na ito ang kanyang mga kritiko. Ginawang sampol si General Poquiz na kapag ikaw ay nagsalita laban sa gobyernong ito, ito ang sasapitin mo,” pahayag ni Topacio.
Nagbabala rin ang abogado na balak nilang sampahan ng reklamo ang mga operatibang umaresto kay Poquiz dahil sa umano’y paglabag sa karapatan ng kanyang kliyente. Sa kabilang banda, iginiit ng CIDG na dumaan sa tamang proseso at binasahan ng Miranda Rights ang heneral bago tuluyang isakay sa patrol car. (Boyet Barba Jr)
