Himas-rehas ngayon ang isang 20-anyos na binatilyo matapos itong mag-ala “Spiderman” sa pag-akyat sa isang coffee shop at manuntok pa ng biktima nang makorner sa kalsada sa Brgy. San Isidro, Taytay, Rizal.
Sa ulat ng Taytay Municipal Police Station (MPS), madaling-araw noong Enero 3 nang looban ng suspek na si alyas “Kurt” ang establisyimento sa J. Asilo St.
Sa CCTV, kitang-kita ang pag-akyat ng suspek sa second floor at ang pagbakbak nito sa hardflex na pader para makapasok.
Nang makalusot, mabilis na binulsa ng suspek ang P2,300 na benta ng shop bago mabilis na tumakas.
Pero laking gulat ng biktima at complainant na si Joan Tolentino, 27, nang makita niya ang suspek na relaks na relaks pang naglalakad sa kalsada nitong Linggo ng gabi, Enero 4.
Agad na kinonpronta ni Joan ang suspek pero imbes na magsisi, isang mabigat na suntok sa mukha ang ibinigay ni Kurt sa biktima!
Hindi naman nagpa-api si Joan at agad na humingi ng saklolo sa mga Brgy. San Isidro Peacekeepers na mabilis na rumesponde at tiniklo ang nanununtok na kawatan.
Dinala muna sa Taytay Emergency Hospital ang suspek para ma-checkup bago tuluyang isinalya sa selda ng Taytay MPS.
Nahaharap ang bagitong suspek sa kasong Robbery at tinitingnan na rin ang reklamong Physical Injuries dahil sa pananakit nito sa biktima. (Arnold Pajaron Jr)
