Photo courtesy: Rizal PPO
Tuloy-tuloy ang kampanya ng Rizal Police Provincial Office laban sa mga wanted sa batas matapos maitala ang pagkakadakip sa tatlong indibidwal, kabilang ang isang mataas ang ranggo sa listahan ng mga pinaghahanap, sa magkakahiwalay na operasyon nitong ika-4 ng Enero, 2026.
Ayon sa ipinadalang report kay Rizal PNP Provincial Director P/Col Feloteo Gonzalgo, nadakip ng mga tauhan ng Rodriguez Municipal Police Station (MPS) ang suspek na kinilala sa alyas na “Junior,” na nakatala bilang Rank No. 9 Provincial Most Wanted Person. Isinagawa ang pag-aresto dakong alas-3:30 ng hapon sa Sitio Balagbag, Brgy. San Isidro.
Nahaharap si Junior sa kasong Frustrated Murder sa ilalim ng Criminal Case No. 34977-25-SMR na inisyu ni Hon. Maribeth S. Rodriguez Manahan ng RTC Branch 175, San Mateo. May inirekomendang piyansa na P200,000.00 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Sa bayan naman ng Cardona, nalambat ang isang regional level most wanted person na kinilala sa alyas na “Boknoy.” Dinakip ang suspek dakong alas-7:10 ng gabi sa National Road, Brgy. Looc, Cardona sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Sec. 5 at Sec. 11 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Ang warrant ay inisyu ni Hon. Anna Francesca M. Limbo ng RTC Branch 69, Binangonan para sa “Service of Sentence,” kaya naman diretso na ito sa piitan habang hinihintay ang commitment order mula sa korte.
Binigyang-diin ng kapulisan na ang lahat ng operasyon ay gumamit ng Alternative Recording Devices (ARD) bilang pagsunod sa protocol ng transparency.
Ang mga naaresto ay binasahan ng kanilang mga karapatan (Miranda Rights) at dinala muna sa mga ospital para sa medical examination bago tuluyang ipinasok sa mga custodial facility ng kani-kanilang himpilan. (Arnold Pajaron Jr)
