NASA malubhang kalagayan ang isang beki nang pagbabarilin ng isa sa dalawang suspek sa harap ng kanilang tirahan sa Caloocan City, Linggo ng madaling araw.
Nakaratay habang patuloy na ginagamot sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktimang si alyas “John”, 20, ng DM Compound, Brgy. 73.
Ipinag-utos naman ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth sa kanyang mga tauhan ang malawakang pagtugis sa suspek na si alyas “Roda”, tomboy, at sa kasabwat nitong hindi pa kilalang gunman.
Sa kanyang ulat Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Goforth nakatayo sa harap ng kanilang bahay sa ang biktima nang dumating ang mga suspek sakay ng itim na NMAX na motorsiklo dakong ala-1:35 ng madaling araw.
Kaagad bumunot ng hindi pa batid na kalibre ng pistola ang gunman na nakasuot ng maong na short, itim na t-shirt at tsinelas bago sunod-sunod na pinaputukan sa katawan ang biktima.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ang biktima sa Caloocan City Medical Center bago inilipat sa TMC.
Hindi pa tukoy ng mga imbestigador ang motibo sa pamamaril habang isusumite naman sa Northern Police District-Forensic Unit (NPD-FU) ang nakuhang limang basyo ng bala, isang slug, at isang metallic fragment sa pinangyarihan ng krimen upang isailalim sa ballistic examination.
Nagsasagawa na rin ng backtracking ang pulisya sa kuha ng mga CCTV sa lugar para sa posibleng pagkakilanlan sa gunman at agarang pagdakip sa mga suspek. (JUVY LUCERO)
