File photo
Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) na mas marami pang Pilipino ang makikinabang sa murang bigas sa susunod na taon. Mula sa kasalukuyang prayoridad na sektor, palalawigin na ang P20-per-kilo rice program upang masakop ang mga pamilyang kabilang sa “below middle-income bracket” simula sa 2026.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, hindi na lamang limitado ang programa sa mga miyembro ng 4Ps, senior citizens, PWDs, solo parents, at iba pang vulnerable sectors. Layunin ng DA na maabot ang 15 milyong kabahayan sa buong bansa sa pamamagitan ng kanilang mga regional offices at accredited NFA outlets.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na sisimulan ang rollout sa walo hanggang sampung probinsya sa pagitan ng Enero at Pebrero 2026, na uunahin ang Pangasinan. Bibigyang-priyoridad aniya ang low- at lower-middle-income families na patuloy na naaapektuhan ng mataas na presyo ng bigas.
Ang P20-per-kilo rice initiative ay pangunahing pangako sa kampanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kasalukuyang ipinatutupad sa lahat ng 82 probinsya para sa mga vulnerable sector.
Dagdag ng DA, magsasagawa ng lingguhang paglulunsad sa iba’t ibang lugar upang palawakin ang saklaw ng programa, habang patuloy ang koordinasyon ng NFA sa mga lokal na pamahalaan at farmer cooperatives upang masiguro ang sapat na suplay at patas na pagbili ng palay mula sa mga magsasaka.
Nilinaw ng ahensya na patuloy na babantayan ang implementasyon upang maiwasan ang kakulangan sa suplay at matiyak ang maayos na distribusyon ng subsidized rice sa mga benepisyaryo.
