PATAY ang dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary na si Maria Catalina Cabral matapos umanong mahulog sa gilid ng Kennon Road at matagpuang walang malay malapit sa Bued River sa Tuba, Benguet nitong Miyerkules ng gabi, Disyembre 18.
Ayon sa Benguet Police Provincial Office (PPO), dakong alas-8:00 ng gabi nang matagpuan si Cabral sa Camp 5 area ng Barangay Camp 4, humigit-kumulang 20 hanggang 30 metro sa ibaba ng highway, matapos ang isinagawang search operation ng mga pulis.
Isinugod pa si Cabral sa ospital kung saan siya idineklara ni Dr. Gian Frances Salinas na wala ng buhay.
Nabatid na nagsanib-puwersa ang mga tauhan ng Baguio City Police Office, Tuba Municipal Police Station, Tuba MDRRMO, at Bureau of Fire Protection sa retrieval operation. Natagpuan siyang walang malay at hindi nagre-respond sa tabing-ilog bago tuluyang maiangat bandang hatinggabi.
Sa ngayon, itinuturing ng pulisya ang insidente bilang “alleged fall resulting in death.” Nagsagawa na ng scene-of-the-crime processing ang Benguet Provincial Forensic Unit habang patuloy pa ang imbestigasyon.
Pasado hating-gabi ng Biyernes, iniutos naman ng Office of the Ombudsman na kunin at ingatan ng mga awtoridad ang cellphone at iba pang gadgets ni Cabral, na dapat umanong isuko sa mga imbestigador sa tamang panahon.
Ayon sa pulisya, kasama umano ni Cabral ang kanyang driver noong hapon nang mangyari ang insidente. Pinahinto umano ni Cabral ang driver sa Kennon Road at nagpa-iwan doon. Nang bumalik ang driver at hindi na siya makita, doon na humingi ng tulong sa pulisya.
Sinabi ng mga awtoridad na wala pang indikasyon ng foul play sa ngayon.
Si Cabral ay nagbitiw sa DPWH noong Setyembre matapos masangkot sa mga alegasyon ng anomalous budget insertions na nauugnay sa mga kwestiyonableng flood control projects.
Ayon sa isang kapwa undersecretary, umano’y bahagi si Cabral, kasama ang mga DPWH secretary na kanyang pinagsilbihan na sina Mark Villar at Manuel Bonoan, ng isang kickback scheme sa mga kontratang ipinatupad ng ahensya.
Sa mga nakalipas na linggo, pinaigting ng pamahalaan ang imbestigasyon laban sa mga dating opisyal at pribadong kontratista na umano’y sangkot sa overpriced, substandard, at ghost flood control projects na tinatayang umaabot sa bilyon-bilyong piso, at posibleng lumagpas pa sa P1 trilyon sa loob ng huling 15 taon sa ilalim ng mga administrasyong Duterte at Marcos.
