Isang pasyente sa Intensive Care Unit (ICU) ang nasawi habang 17 iba pa ang nailigtas matapos sumiklab ang sunog sa Our Lady of Mercy General Hospital sa Barangay Longos, Pulilan, madaling-araw ng Lunes.
Kinilala ang biktimang si Marcelino Leonardo, isang retiradong pulis na naka-confine sa ICU. Ayon sa Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), na-rescue si Leonardo mula sa ikatlong palapag ngunit binawian ng buhay ilang minuto matapos mailabas sa gusali.
Ayon kay Pulilan Mayor Rolando Peralta Jr., ang 17 pang pasyente ay ligtas na nailipat sa mga kalapit na ospital matapos ang mabilis na evacuation.
Lumabas sa paunang ulat na nagsimula ang apoy bandang 1:00 a.m. sa likod ng isang refrigerator sa pharmacy ng ospital sa ikalawang palapag. Mabilis itong kumalat papunta sa ikatlong palapag kung saan matatagpuan ang ICU.
Mahigit apat na oras na nakipaglaban ang mga bumbero bago ideklarang “fire out” ang sunog bandang 5:40 a.m.
Nagpasalamat si Peralta sa mga bumbero mula sa Pulilan at karatig-bayan, pati na rin sa pulis at mga volunteer responders, dahil sa maagap na aksyon na pumigil sa mas malaking pinsala at mas marami pang biktima. (Boyet Barba Jr)
