SINITA ng Commission on Audit (COA) ang Cebu provincial government matapos matuklasang naglabas ito ng higit P136 milyon para sa bonuses at incentives ng mga opisyal at empleyado noong 2024 nang kulang sa dokumentasyon at may iba pang irregularidad, ayon sa inilabas na audit report.
Ayon sa COA, tatlong pangunahing disbursement ang pinuna.
Kabilang dito ang Program on Awards and Incentives for Service Excellence (PRAISE) bonus (P38.28 milyon); Collective Negotiation Agreement (CNA) incentive (P31.93 milyon); Compensation premium para sa job order (JO) personnel (P66.19 milyon)
Lahat ng ito ay kulang sa kinakailangang dokumento o may mga depekto sa proseso ng pagbabayad. Noong 2024, ang lalawigan ay pinamumunuan ni dating Gobernador Gwendolyn Garcia-Codilla.
Sa ulat ng COA, sinabi ng mga auditor na dahil sa kakulangan sa dokumentasyon, hindi matukoy kung ang mga bayad ay alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon.
Halimbawa, ang P38.28-milyong PRAISE bonus ay naipamahagi sa lahat ng regular at casual na empleyado nang walang resolusyon mula sa Praise Committee at nakatala lamang sa aprubadong payrolls.
Wala ring ebidensiya na ang monetary awards ay nagmula sa savings mula sa suhestiyon, imbensyon, o natatanging nagawa ng empleyado, alinsunod sa Civil Service Commission (CSC) Resolution 010112.
“Without these, compliance with the CSC rule that limits monetary awards to no more than 20 percent of an agency’s verified savings could not confirmed,” anang COA.
Ayon sa exit conference, sinabi ng provincial budget officer na ang bonuses ay ipinamigay sa lahat at pinondohan mula sa savings ng unfilled plantilla positions.
Gayunpaman, iginiit ng auditors na kulang pa rin ang mga sumusuportang dokumento.
Dagdag pa ng COA, walang tala na nagpapakita na ang CNA incentive ay pondo lamang mula sa savings sa Maintenance and Other Operating Expenses, o na may committee na nagtasa ng eligibility at nagrekomenda ng aprobasyon alinsunod sa PSLMC Resolution 2, s. 2022.
Ang PSLMC ay tumutukoy sa Public Sector Labor-Management Council.
Ang paglabas ng COA report ay naglalantad ng patuloy na pangangailangan ng mas mahigpit na proseso at dokumentasyon sa paggasta ng pampublikong pondo, lalo na sa mga bonus at insentibo ng mga kawani ng gobyerno. (Arnold Pajaron Jr)
