Ipapalabas ng Government Service Insurance System (GSIS) ang kabuuang P3.93 bilyong Christmas cash gift para sa 411,692 pensioners ngayong araw ng Lunes, Disyembre 4.
Sa unang pagkakataon, makakatanggap na rin ng cash gift ang pro-rata pensioners at mga nagretiro sa ilalim ng Portability Law (RA 7699).
Ayon kay GSIS President at General Manager Wick Veloso, lumawak ang saklaw ng benepisyo matapos idagdag ang 14,992 pensioners mula sa dalawang kategoryang dati’y hindi kabilang sa annual cash gift.
“Gusto naming maramdaman ng ating pensioners na sila ay pinahahalagahan lalo na ngayong Kapaskuhan,” ani Veloso. “Kaya pinalawak namin ang coverage para mas marami ang makinabang.”
Kasabay nito, ililipat ng GSIS bukas, Disyembre 5 ang crediting ng buwanang pensyon para sa Disyembre, mas maaga sa regular na petsang Disyembre 8, upang mas makapaghanda ang pensioners para sa holiday season.
Kabilang sa makatatanggap ang mga old-age, retirement, at disability pensioners sa ilalim ng RA 8291, RA 660, RA 7699 at PD 1146 na aktibo at tumatanggap ng regular o pro-rata pension; at buhay hanggang Nobyembre 30, 2025.
Ang halaga ng cash gift ay katumbas ng isang buwang pension o P10,000, alinman ang mas mababa. Ito ay awtomatikong ide-deposito sa kanilang GSIS ATM accounts.
Hindi naman kabilang sa tatanggap ng cash gift ang survivorship at dependent pensioners;mga kumuha ng five-year lump sum na magsisimula pa lang tumanggap ng pension pagkatapos ng Dec. 31, 2025; mga nagretiro mula 2021–2025 na kumuha ng 18× cash payment at immediate life pension (eligible pagkalipas ng limang taon); at mga miyembrong nagretiro bago edad 60 mula 2006–2025 at nagsimulang tumanggap ng pension noong 2021–2025 (eligible rin pagkalipas ng limang taon).
Muling pinaalalahanan ng GSIS ang pensioners na kumpletuhin ang Annual Pensioners’ Information Revalidation (APIR) upang maiwasan ang pagka-suspinde ng kanilang pensiyon. Maaari itong gawin anumang oras sa pamamagitan ng facial recognition feature ng GSIS Touch mobile app.
Para sa dagdag na impormasyon, maaaring bumisita sa www.gsis.gov.ph, mag-email sa gsiscares@gsis.gov.ph, o tumawag sa 8847-4747 at iba pang GSIS hotlines. (Mina Paderna)
