Nagprotesta ang mga human rights advocates at iba’t ibang sektor sa harap ng DILG–NAPOLCOM Center sa Quezon City noong Dec. 4, 2025, panawagang i-abolish ang NTF-ELCAC at ilaan ang pondo ng gobyerno sa serbisyong panlipunan imbes na militarisasyon at panunupil. Binigyang-diin din ng kilos-protesta ang lumalalang militarisasyon sa mga komunidad sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. (Kuha ni ART TORRES)
Muling nanawagan ang grupong pangkarapatang pantao na KARAPATAN na buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa paggunita ng ika-pitong anibersaryo ng ahensiya, na anila’y patuloy na nagiging instrumento ng panunupil ng estado.
Sa isang pahayag, sinabi ni KARAPATAN secretary general Cristina Palabay na imbes na bigyan ng bilyon-bilyong pondo ang NTF-ELCAC, mas mainam na ilaan ito sa kagyat na kinakailangang serbisyong panlipunan.
“Ano pa man ang paliwanag nila, ang panukalang P8.08 bilyong budget ng NTF-ELCAC para sa 2026, na 314% na mas mataas kaysa pondo nito sa 2025, ay lantad na pag-aaksaya ng pera ng taumbayan,” ani Palabay. “Pinalalakas nito ang makinarya ng panunupil sa ilalim ng counter-insurgency blueprint ng administrasyong Marcos.”
Ayon sa grupo, ginamit umano ng ahensiya ang kampanya kontra-insurhensiya para i-target ang mga progresibong organisasyon at tagapagtanggol ng karapatang pantao sa pamamagitan ng red-tagging, pagbabanta, at pangha-harass. Dahil dito, sinabi ni Palabay na “lalo pang lumiit ang civic space at nasikil ang pampublikong diskurso.”
Kabilang sa pinakabagong kaso ang pagkawala ni Gary Buban, 44, isang mananaliksik at agriculturist mula sa Camarines Sur. Huli siyang nakita noong Nobyembre 28 sa mga bayan ng Goa, Tigaon at San Jose habang gumagawa ng research para sa lokal na grupo ng magsasaka na Damayan nin Paraoma. Dahil dati na umanong nire-red-tag si Buban, nangangamba ang kanyang pamilya na dinukot siya ng State forces. Maaari umano siyang maging ika-15 biktima ng enforced disappearance sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Sa Kalinga naman, 11 armadong pulis ang sapilitang pumasok sa bahay ng indigenous environmental defender na si Elma Awingan-Tuazon noong Nobyembre 30. Si Tuazon, convenor ng Justice and Peace Advocates of Kalinga, ay matagal nang tumututol sa malakihang dam at mining projects na nagbabantang sirain ang Saltan River at lupang ninuno. Nire-red-tag din umano siya dahil sa kanyang adbokasiya.
Iniulat din ng grupo na ilang lider ng Bicol-based people’s organizations, kabilang ang isang national council member ng KARAPATAN, ay inilagay sa isang red-tagging poster sa Albay at pinalalabas na “traydor” ng NPA.
“Lubhang mapanganib ito,” babala ni Palabay, “dahil kapag may masama sa kanilang nangyari, maaaring ituro ng mga awtoridad ang NPA para takasan ang pananagutan.”
Idinagdag pa ng KARAPATAN na dapat ding imbestigahan ang pondo ng NTF-ELCAC matapos umanong i-flag ng mga government auditors ang hindi malinis na milyun-milyong gastusin at umano’y kawalan ng supporting documents para sa ilang transaksiyon.
“Terrorizing agency ito at pabigat sa mamamayan,” giit ni Palabay. “Dapat itong buwagin sa lalong madaling panahon.”
