AGAW-BUHAY sa pagamutan ang 18-anyos na binata matapos kuyugin ng isang grupo ng kalalakihan at dalawang beses na paluin ng baseball bat sa ulo sa Malabon City.
Nakaratay habang patuloy na inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng matinding tinamong pinsala sa ulo ang biktimang si alyas “Aldrin”, ng Kagitingan St., Brgy. Muzon.
Nakapiit naman ngayon sa custodial facility unit ng Malabon City Police Station at nahaharap sa kaukulang kaso ang isa sa mga suspek na si alyas “John”, 24, ng Magsaysay St., Brgy. San Agustin matapos maaresto ng mga tauhan ng Malabon Police Patrol Base 7 sa follow-up operation.
Ayon sa pulisya, patuloy pa rin ang kanilang follow-up operation para sa posibleng pagkakilanlan at sa agarang pagkakaaresto sa iba pang mga suspek.
Sa pahayag sa pulisya ng saksing si alyas “Gean”, 23, habang nakatayo sila ng biktima sa Kagitingan St., Brgy. Muzon nang biglang dumating ang mga suspek dakong alas-2 ng madaling araw saka sinilaw sila ng ilaw ng motorsiklo kaya sinabihan nila ang mga ito na “Tol, yung ilaw niyo ang lakas, tinutok niyo pa sa amin”.
Nagalit ang mga suspek bago nag-umpisa ng gulo kaya kumuha umano ang biktima ng baseball bat para ipagtanggol ang sarili subalit, binundol siya sa likod ng motorsiklo ng isa sa mga salarin na dahilan upang bumagsak siya at mabitawan ang baseball bat.
Nang tangkain niyang tumakbo, kinuha ni alyas John ang naturang baseball bat at dalawang beses na hinataw sa ulo ang biktima bago mabilis na nagsitakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman si ‘Aldrin’ sa nasabing pagamutan ng kanyang live-in partner. (JUVY LUCERO)
