
Isang makabuluhang pagdiriwang ng inklusyon ang nakatakdang ganapin ngayong December 2–4, 2025 sa SM Megamall Megatrade Hall, sa pagbubukas ng Philippine Disability Expo 2025, isang kaganapang layong baguhin ang pananaw ng publiko mula sa tanong na “Ano ang kailangan ng PWDs?” tungo sa mas makapangyarihang “Ano ang kontribusyon at maiaalay ng PWDs?”
Inilunsad ng National Council on Disability Affairs (NCDA) katuwang ang Project Inclusion Network (PIN) at Philippine Business and Disability Network (PBDN), itinuturing ang Expo hindi lamang bilang taunang aktibidad para sa International Day of Persons with Disabilities, kundi isang malaking pambansang kilusan para sa oportunidad, representasyon, at tunay na partisipasyon ng mga taong may kapansanan.
Giit ng organizers, hindi simpleng recruitment event ang Expo, kundi isang “living classroom” kung saan tatalakayin ang mahahalagang tanong.
Una, paano ba talaga bumuo ng mga workplace na tunay na accessible? Pangalawa, paano magtatayo ng mga sistemang umaangkop sa tao, hindi ang tao ang pinipilit umangkop sa sistema?
Sa mahigit 80 organisasyon mula sa public at private sector, maging sa PWD-led enterprises, inaasahang magiging masigla at makabuluhan ang talakayan at presentasyon, mula sa inclusive innovations, assistive technologies, hanggang sa mga programang nagtutulay ng oportunidad para sa PWD communities.
Bubuhos ang musika at mensahe ng pag-asa sa December 4, 7:00 PM sa #PwedengPWDe Dito! Benefit Concert na pangungunahan ng PIN at PBDN. Tampok dito ang mga PWD artists kasama ang sikat na OPM acts na Leanne & Naara, Sugarcane, at I Belong to the Zoo.
Hindi lamang ito simpleng konsiyerto kundi isa itong cultural statement na ang inklusyon ay hindi natatapos sa ramps at policies. Ito’y nasusukat din sa visibility, sa art, sa musika, at sa pagbibigay-daan sa talento.
Lahat ng malilikom na pondo ay ilalaan sa mga programang sumusuporta at nagpapalakas sa PWD sector.
Sa pagtutulungan ng NCDA, PIN, at PBDN, layon nilang muling idisenyo ang mga sistemang panlipunan upang hindi lamang mawala ang mga balakid, kundi mapalitan ng mga oportunidad. Ang Expo ay isang paanyaya—para makinig, matuto, makilahok, at mag-imagine ng isang bansang tunay na bukas para sa lahat.
Ang Philippine Disability Expo 2025 ay higit pa sa event. Isa itong panimula ng mas inklusibong kinabukasan.
Para sa media inquiries at partnership opportunities, maaaring makipag-ugnayan kay Nieva Repolona, Event Public Relations Head (PIN) sa disabilityexpo@projectinclusion.ph o 0977-819-3249.
