Hindi tulad ng Trillion Peso March noong Setyembre 21 na nagbunsod sa administrasyon na mangako ng agarang aksyon laban sa katiwalian, bigong makalikom ng sapat at iisang tinig ang ikalawang bugso ng anti-corruption rallies nitong Nobyembre 30.
Bagamat magkakapareho ang panawagan na bilisan ang imbestigasyon, papanagutin ang mga sangkot, at isulong ang transparency ay iba-iba naman ang mensahe at estratehiya ng magkakahiwalay na kilos-protesta sa EDSA, Luneta, at Claro M. Recto Avenue.
Ang pagtitipon sa EDSA People Power Monument, na dinominahan ng mga nakaputi ayon sa panawagan ng Simbahang Katolika, ay kapansin-pansing mas maliit kumpara sa nakaraang protesta.
“Konkreto at mabilis na resulta sa corruption probes, bago matapos ang taon,” ang kanilang sigaw.
Subalit hindi ito umabot sa lakas ng unang rally upang muling igiit ang pangakong “may mga makukulong bago mag-Pasko.”
Samantala, ang mga rally sa Luneta at Claro M. Recto Avenue ay mas matapang ang tono, umaabot na sa panawagang pag-alis hindi lamang ng Pangulo at Pangalawang Pangulo, kundi pati mga senador, kongresista, at opisyal na sangkot umano sa paglustay ng pondo ng bayan, partikular sa flood control fund scandal.
Hindi gaanong nakausad ang protesta sa Manila dahil sa mabigat na checkpoints at police barricades.
Hindi rin tumama ang ulat ng isang TV network na “Mendiola rally” ito—hindi man lang umabot ang hanay sa Mendiola Bridge at naantala sa Legarda–CM Recto.
Sa gitna ng programa, sinunog ng mga militanteng grupo ang effigy na tinawag na “Buwayang Dalawahan — The Marcos–Duterte Bureaucrat-Capitalist Monster.”
Muling ipinakita ng Simbahang Katolika ang impluwensiya nito sa paghubog ng opinyong pampubliko, hindi sa pag-aalsa laban sa diktadura gaya noong 1986, kundi laban sa kultura ng katiwalian.
Ipinapaalala ng maraming grupo na ang diktador na napatalsik noong People Power Revolution ay ama ng kasalukuyang Pangulo, isang kontekstong nagdadagdag ng bigat sa panawagan para sa accountability.
Bagama’t nagtutulak lahat ng rally para sa systemic reforms, hati ang interpretasyon kung ano ang dapat unahin.
Isinagawa ang EDSA rally para sa reporma sa procurement, mas bukas na bidding at audit systems, pagpapatibay ng anti-dynasty laws.
Habang sa Luneta/Recto rallies ay ang agarang pag-alis ng Pangulo at Pangalawang Pangulo, pagbabago ng liderato.
At Radikal na grupo ay ang ouster kay Marcos Jr. at pagluklok sa Transition Council, kahit wala ito sa Konstitusyon.
Ayon sa National Union of Peoples’ Lawyers, ang kapangyarihan pa rin ay nasa “sovereign Filipino people,” kaya’t anumang anyo ng gobyerno ay maaari umanong ipanawagan.
Sa gitna ng panggigigil ng publiko, umapela ang Malacañang ng higit pang pasensiya at iginiit na dapat sundin ang due process sa pagsasampa ng kaso.
Sinabi ng mga political observer na marami sa publiko ang naghihintay kung tutuparin ni Marcos Jr. ang pangakong may “makukulong bago mag-Pasko.”
Ngunit may lumalakas ding pangamba na mauuwi ito sa kaparehong pattern ng pork barrel scam noong administrasyong Aquino, kung saan tinaguriang “big fish” ay eventual acquitted o nakalabas.
Sa huli, nakita sa Nobyembre 30 protests ang paghina ng momentum mula sa dating malakas na sentimyento laban sa katiwalian.
Pinili ng ilan na hintayin ang resulta ng imbestigasyon; ang iba nama’y naniniwalang walang mangyayaring malaking pagbabago, isang cycle na umano’y paulit-ulit mula kay Estrada, Arroyo, Enrile, hanggang sa mga senador na nahatulan ngunit nakabalik sa serbisyo.
