Nabigo mang masungkit ang korona, pinatunayan ni Anna DeBeer na isa siya sa pinakamapanganib na import na tumapak sa Premier Volleyball League (PVL) matapos ang makapanindig-balantok na pagtatapos ng Reinforced Conference 2025.
Si DeBeer, 24, ay nalimitahan sa 18 puntos, isa sa kanyang pinakamababang produksiyon ngayong season, habang bumagsak ang ZUS Coffee sa Petro Gazz, 25-21, 26-28, 23-25, 20-25, sa winner-take-all finals nitong Linggo.
Bagama’t nasungkit niya ang Best Foreign Guest Player award, inamin ng American outside hitter na hindi naibalik ng Thunderbelles ang kumpiyansa at ritmo na nagdala sa kanila sa kauna-unahang finals appearance ng prangkisa.
“Obviously, we didn’t really play our best,” pahayag ni DeBeer.
“It’s definitely tough when those kinds of games happen in the finals, but I’m really proud of what we’ve accomplished to get to this point.”
Muli siyang tinalo ng kababayang si Lindsey Vander Weide, na muling naghatid ng kampeonato sa Petro Gazz, ang parehong senaryong naranasan ni DeBeer sa Major League Volleyball finals noong Mayo.
Sa kabila ng panibagong heartbreak na aniya’y kahalintulad ng ilang mapait na sandali noong US NCAA days niya sa Louisville, ipinagmalaki ni DeBeer ang kanyang “unreal experience” sa unang taon bilang pro sa ibang bansa.
“I have to not dwell too much on this game and look at how far ZUS has come,” ani DeBeer.
“I told the girls… this has been the most unreal experience. I had no clue it was gonna be this amazing.”
Hindi naman natapos sa pagkatalo ang gabi para sa ZUS import. Bago siya opisyal na umalis pabalik ng Estados Unidos nitong Lunes, binigyan siya ng emosyonal na tribute ng teammates at fans, ilan pa nga’y naka-‘Fear DeBeer’ shirts bilang pasasalamat sa kanyang impact sa liga.
“It was really cool. I didn’t even know this was a thing,” aniya. “New fans, new country, new everything. I’m just really thankful.”
Kung babalik ba siya sa PVL sa 2026? ‘Yan ang hindi pa tiyak, pero umaasa ang fans na ang ‘Fear DeBeer’ experience ay hindi pa huling beses sa Pilipinas. (Ron Tolentino)
